BATANGAS City — PASADO na sa Sangguniang Panlungsod ang isang ordinansa na nagbibigay ng pantay na oportunidad at pagkakataong makapag-trabaho ang mga retiradong Senior Citizens at mga Persons With Disabilities (PWD) kamakailan.
Ito ay ang “Batangas City Workforce Integration and Participation of Senior Citizens and Persons With Disability Ordinance” na akda ni Councilor Hamilton Blanco na kumikilala sa angking kakayahan ng mga nabanggit.
Ayon sa kanya, maraming senior citizens at PWD’s ang may kapasidad pang magtrabaho subalit hindi mabigyan ng pagkakataon dahil sa edad at physical disabilities.
May karapatan pa din aniya ang mga ito na maging produktibong bahagi ng lipunan at mabigyan ng oportunidad na makatulong sa kanilang mga pamilya.
Ayon sa probisyon ng ordinansa, dapat tanggapin ng mga private companies ang mga kwalipikadong seniors at PWD’s na makakaganap ng essential functions na kinakailangan ng kanilang kompanya.
Nakasaad din dito na ang mga qualified applicants ay nararapat na magkaroon ng kapantay na compensation, privileges, benefits, fringe benefits, incentives at allowances na tinatanggap ng karaniwang empleyado.
Ang mga senior na tumatanggap ng pension sa Social Security System (SSS) ay qualified din subalit ang mga retirees na 65 taong gulang pababa ay isususpindi muna ang pension kung matatanggap sa trabaho.
Ibabalik lamang ang pagtanggap ng pension kung sila ay aabot na sa 65 taong gulang o titigil na sa paghahanap-buhay.
Ilan sa mga employment requirements ay ang senior citizen ID, PWD ID, barangay clearance at medical certificate kung saan nakasaad dito na ang aplikante ay mentally at physically fit na makapagtrabaho.
Ang mga private establishments na tatanggap sa mga aplikante ay maaaring mabigyan ng 5% deduction sa kabuuang salary at wages na ibinayad sa mga ito mula sa gross sales at receipts ng kanilang annual business tax na hindi hihigit sa P50,000.
Kailangan lamang magsumite ng employer’s report sa Business Permits and Licensing Office (BPLO) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na magpapatunay ng kanilang employment.
Nakatakdang magbigay ng kaukulang training programs at skill development para sa mga ito ang tanggapan ng Senior Citizens Affairs (OSCA), CSWDO at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) upang higit na maitaas ang antas ng kanilang kasanayan.
Ang mga nabanggit na tanggapan din ang mangunguna sa implementasyon at monitoring ng ordinansa upang matiyak na masusunod ang mga probisyon nito.
Ang lalabag sa ordinansa ay maaaring magmulta ng halagang P5,000 at pagkakulong sa loob ng 30 araw hanggang 6 na buwan.| – PIO Batangas City