IPINASA ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas, sa regular na sesyon ng konseho noong ika-3 ng Abril 2020 sa Claro M. Recto Legislative Building sa Capitol Compound, Lungsod ng Batangas, ang panlalawigang batas na nagbabawal at nagpapataw ng parusa sa anumang diskriminasyon laban sa mga taong iniimbestigahan, may sakit o gumaling na sa sakit na COVID-19 at sa mga medical at non-medical frontliners habang umiiral ang pandaigdigang pandemya.
Buong pagkakaisang ipinanukala at ipinasa ng panlalawigang sanggunian, sa pangunguna ni Vice Gov. Mark Leviste, ang Provincial Ordinance No. 004, Series of 2020, o ang Ordinance Prohibiting and Penalizing Any Form of Discrimination Against a Person Infected and Recovered, Under Monitoring or Investigation Due to COVID-19 Virus, Medical and Non-Medical Frontliners During this Public Health Crisis. Pormal naman din itong inaprubahan kaagad ni Gov. DoDo Mandanas.
Kabilang sa mga frontliners ang mga pribado at pampublikong duktor, nurses, at iba pang mga medical personnel at volunteers; hospital workers, kagaya ng mga administrative staff, janitors at security personnel; mga opisyal at kawani ng mga national at local government agencies na gumagawa ng kanilang opisyal na trabaho; emergency responders tulad ng mga kawani ng Philipppine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross, at Barangay Health Emergency Response Team; at mga empleyado ng funeral parlors, medical supplies at iba pa.
Maituturing namang pang-aapi sa mga frontliners ang hindi pagbibigay sa kanila ng kaukulang serbisyo saan man ito bukas para sa publiko; hindi pagpapasok sa mga pamilihan; pagpapaalis o hindi pagtanggap sa mga apartments at hotels; at, mga physical, mental at verbal na pagbabanta.
Maaari namang maparusahan ang mga mapapatunayang gumawa ng mga discriminatory acts ng hanggang limang libong pisong multa at pagkakakulong ng hanggang tatlumpong araw.|– Batangas PIO