TINATAYANG nasa 10,367,095 halaga ng interbensyon ang naipagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan simula noong ika-24 hanggang ika-25 ng Agosto sa Aboitiz Pitch, Lipa City, Batangas.
Sa pangunguna ni OIC-Regional Director Fidel Libao, isang booth ang itinayo ng DA-4A tampok ang pagkakaloob ng mga interbensyon gaya ng punla ng calamansi, mga binhing gulay, pataba, pestisidyo, at iba pa.
Tumanggap ng 5 unit ng combine harvester na nagkakahalaga ng 10 milyong piso ang mga magpapalay na benepisyaryo mula sa Batangas sa ginanap na ceremonial distribution ng BPSF.
Nagkaroon din ng KADIWA ng Pangulo kung saan ilan sa mga Farmers Cooperatives and Associations sa rehiyon ay direktang nakapagbenta sa mga mamimili sa komunidad ng mga produkto sa mas murang halaga.
Upang ipakilala ang mga programa at serbisyo ng Kagawaran, ipinamahagi ang mga babasahin tungkol sa pagtatanim, paghahayupan, at mga programa ng ahensya para sa magsasaka at mga interesado sa sektor ng agrikultura. Ikinatuwa ni Daisy Pasahol, isang residente mula sa Brgy. Bugtong, ang natanggap na punla ng calamansi lalo pa at kinahiligan niya na rin magtanim dahil sa impluwensya ng mga magulang na magsasaka.| – Danica T. Daluz