TINATAYANG umabot na sa mahigit P300 milyon ang naging pinsala at kalugihang idinulot ng bagyong Jolina sa sektor ng agrikultura.
Sa ulat ng Department of Agriculture’s Disaster Risk Reduction Management Council (DA-DRRMC) ang nasabing halaga ay kumakatawan sa higit 16-metriko tonelada ng production loss na sumasakop sa may 57,649ektaryang tanimang agricultural sa CALABARZON, Bicol Region, Western Visayas at Eastern Visayas.
Inaasahang mas tataas pa ito kapag pumasok na ang ulat ng iba pang rehiyon sa bansa.
Tinatayang nasa 11,499 na magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng kalamidad. Kabilang sa mga naapek-tuhang pananim ang palay, mais, high value crops, livestock at fisheries.
Nagsasagawa pa rin ng assessment at validation ang D-A sa pinsalang idinulot ng bagyong Jolina sa agri-fisheries sector.
Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa iba pang government offices, local government units, at DRRM-related offices para sa mas malawakang assessment sa epekto ng bagyo.
Nangako rin ang DA na agad nilang gagamitin ang Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon sa mga apektadong lugar, pamamahagi ng bigas, mais at iba pang mga buto gayundin ng mga gamot at biologics para sa livestock at poultry needs.
Ang iba pang monetary aid ay magmumula sa Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).
Samantala, dahil sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Kiko, inabisuhan ng DA ang mga magsasaka at mangingisda sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyo na anihin na ang kanilang matured agriculture product at ilipat sa ligtas na lugar ang mga alagang hayop.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, patuloy ang pagtaya ng mga otoridad sa mga nagging pinsala sa imprastraktura at iba pang ari-ariang napinsala ng bagyong Jolina.|-BNN / jmr