LIPA City — PUMALO na sa mahigit pang P407.8-Milyon ang kabuuang naging pinsala ng pananalasa ng El Niño phenomenon sa taong ito sa sektor ng agrikultura sa Rehiyon ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), ayon sa datos ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA). Katumbas ito ng pagkasira ng mga pananim sa may 3,607 ektaryang lupang sakahan, na nakaapekto naman sa kabuuang 4,735 magsasaka.
Bukod sa pagkasira ng mga pananim, malaki ring ambag sa pagkalugi ng mga magsasaka ang tinatawag na ‘opportunity loss’ o ang nawalang pagkakataong kumita at makapagsaka, sapagkat sa tindi ng init at tagtuyot ay mas minabuti pa ng ibang magsasaka na hindi na lamang magtanim kung masisira rin lamang.
“Hindi sila nagtanim, dahil walang patubig, at wala ring tubig,” pahayag ni DA-Calabarzon Regional Executive Director Fidel Libao sa idinaos na Kapihan sa Bagong Pilipinas ng Philippine Information Agency sa Cultural Center of Lipa City nitong Martes, Hunyo 18.
“So yun ang tinatawag nating lugi kahit na hindi sila nagtanim kasi nga yung supposed to be na kikitain nila, hindi nila nakuha,” paliwanag pa ng opisyal.
Ayon sa ulat ng kagawaran (DA), umabot naman sa P9.5 bilyon (o katumbas ng US$163 million) ang kabuuang pinsala ng tagtuyot o mas kilala bilang El Nino phenomenon sa buong bansa sa pagtatapos ng buwan ng Mayo.
Sa mga lupang sakahan, umabot na sa 163,694 na ektarya ng lupang sakahan sa 13 rehiyon ng bansa at higit na napinsala rito ang kabuhayan ng may 175,063 magsasaka at mangingisda. Katumbas rin ito ng pagkasira ng may 426,798 metriko tonelada ng iba’t ibang pananim sa mga bukirin.
Ang El Niño phenomenon ay ang umiiral na pagkakaroon ng matinding init at tagtuyot na bagaman at bahagya ng nabawasan sa pagsisimula ng pag-uulan nitong huling linggo ng Mayo ay nananatili pa ring malaki ang epekto hanggang sa buwan ng Hunyo at Hulyo, ayon na rin sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag-asa).
Sa kabila nito ay humalili naman ang banta ng labis na pag-uulan at pagbabaha sa mga taniman sa pagpalit naman ng weather system o pagpasok ng La Niña.
Umaasa naman ang DA-Calabarzon na magsisimula nang makapagtanim muli ang mga magsasaka ngayong nagsimula na ang pag-uulan.| – Joenald Medina Rayos