By MARK JONATHAN MACARAIG
PATULOY na tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang pagtatanim bilang isa sa mga aktibidad o proyekto upang magkaroon ng food sustainability at pangunahing pagkakakitaan ang mga Taal Volcano evacuees sa Talaibon Evacuation Center sa Ibaan, Batangas.
Kaugnay nito, ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ay naglunsad ng isang aktibidad na “Search for: Pagandahan ng Paligid at mga Pananim,” na may layuning maitaas ang kamalayan ng mga evacuees sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura tungo sa pag-unlad ng kabuhayan.
Kalahok sa nasabing contest ang 495 na pamilya o humigit kumulang 2,000 na indibidwal na kasalukuyang naninirahan sa Talaibon Evacuation Center.
Sinimulan ang proyekto noong Marso 2020, kaugnay ng mga nakahanay na proyekto ng PSWDO para sa selebrasyon ng Women’s Month.
Sa kabila ng banta ng pandemya na dala ng COVID-19, naisagawa pa rin at naipagpatuloy ng OPAg ang paghahanda sa lupang taniman. Dito ay nagkaroon ng regular na paggabay ang tanggapan sa bawat grupo ng evacuees, tulad ng paglilipat-tanim ng mga punlang gulay sa kani-kanilang assigned plots.
Nagsisilbing katuwang sa programa ang DSWD, Provincial Cooperative, Livelihood, Enterprise, and Development Office (PCLEDO), at Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) para matiyak ang tuloy-tuloy na pag-akay at pagbibigay suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ang naturang paligsa-han ay sisiguro sa pagpapanatili ng kalinisan sa paligid ng evacuation center, pagpapataas sa produksyon ng masusustansyang pananim, at pagkakaroon ng kita para sa mga pamilyang kalahok.
Samantala, isasagawa ang awarding ceremony sa ika-17 ng Hulyo na dadaluhan ni DSWD Assistant Secretary Anton Hernandez. Inaasahan din ang pakikiisa ng mga kinatawan mula sa National at Provincial Nutrition Council, mga opisyal ng Barangay Talaibon, Ibaan at ng Pamahalaang Bayan ng Ibaan.
Sa 495 pamilya ay pipili ng 25 Best Households na magkakamit ng tig-P3,000 at isang block winner na mag-uuwi ng P10,000 cash prize.|- BNN