31.7 C
Batangas

Paglobo ng kaso ng HIV-AIDS sa CALABARZON, nakaaalarma

Must read

- Advertisement -

BY JOENALD MEDINA RAYOS

NANAWAGAN sa publiko ng isang kagawad ng Sangguniang Panlungsod ng Batangas na maging aware sa nakababahalang pagtaas ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency virus (AIDS) sa bansa, partikular sa Rehiyon ng CALABARZON (Cavite, Batangas, Laguna, Rizal at Quezon).

Sa kanyang privilege speech sa regular na sesyon ng konseho nitong Martes, sinabi ni Kagawad Oliver Z. Macatangay, tagapangulo ng Committee on Health, na higit na kailangan ngayon ang bukas na isip ng publiko ukol sa naturang sakit at nanawagang kailangang palaganapin ang kamalayan ukol sa nakahahawang sakit na ito.

Ani Macatangay, nakababahala na sa buong bansa, ang rehiyon ng Calabarzon ang pangalawa sa mga rehiyong may pinakamataas na kaso ng HIV-AIDS, at sa mga lungsod sa rehiyon ay nangunguna rin ang Lungsod ng Batangas.

NANAWAGAN si Kagawad Oliver Z. Macatangay sa publiko na palakasin ang kamalayan at pag-iingat sa nakahahawang sakit na HIV-AIDS dahil sa paglobo ng bilang kaso nito sa CALABARZON, partikular sa Batangas City.|

“Ito po ay isang nagdudumilat na katotohanan, na kailangan ang ibayong pag-iingat natin, kung kaya naman gayun na lamang an gating mahigpit na panawagan sa ating mga kababayan na paigtingin pa ang pag-iingat at palaganapin ang kamalayan ukol sa HIV-AIDS,” pahayag pa ni Macatangay.

Karamihan aniya sa mga may sakit na HIV-AIDS sa lungsod ay may edad 15-35 anyos, at nakalalamang pa sa bilang ang mga lalaki.

Ayon sa DOH, nito lamang Abril 2019 ay may kabuuang 840 bagong kaso ng HIV na naitala ang buong bansa at 94% (789 kaso) nito ay pawang kalalakihan.

Nangunguna ang National Capital Region na may 32% (271 kaso) , pumangalawa ang CALABARZON, 16% (137 kaso); at pumangatlo ang Region 3, 11% (92 kaso).

Pangunahing pamamaraan ng pagkalat nito ay sa di-ligtas na pakikipagtalik – at sa mga bagong na-diagnosed na kaso, 57% (475) ang lalaki sa lalaki; 24% (203) ang lalaki sa babae’t lalaki; at 17% (141) ang lalaki sa babae.

Sa 51 kababaihang na-diagnosed na positibo sa HIV, apat (4) dito ay buntis at dalawa sa kanila ay mula sa CALABARZON.

Sa ulat ni Mary Joy Morin, National AIDS and STI (sexually transmitted infection) Prevention and Control Program Officer ng DOH Central Office, nasa kabuuang 65,463 cumulative cases ang naitala ng kagawaran mula 1984 hanggang Marso ngayong 2019 at ang mayoriya ng mga kasong ito ay nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

Nakababahala ring nasa 94% ng mga Pinoy na naitalang positibo sa HIV ay mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa lalaki.

“Nasa 50% ng kalalakihang ito ay may edad 25 hanggang 34 taong gulang o nasa productive age samantalang ang 31% naman ay may edad lamang 15 – 25 anyos o nasa kasibulan pa lamang o karaniwang nasa mga learning institutions pa,” pahayag ni Morin.

Kadalasan aniyang dahilan ng paglobo ng bilang ng kaso ng nagkakaroon ng HIV ay bunsod ng kakulangan sa kaalaman ukol sa ligtas na pakikipagtalik, lalo’t marami pa rin ang hindi gumagamit ng condom sa kalalakihan.

“Tayo pa rin ang may pinakamataas na increase rate ng HIV sa buong Asia Pacific Region kung kaya naman ang global community ay nakatutok sa Pilipinas, samantalang napapanatili naman natin na hindi pa lumalagpas sa 1% ng populasyon ang apektado ng nakahahawang sakit na ito, kaya ang ating layunin ay mapabababa pa ito sa 1%,” dagdag pa ni Morin.

Sa tala ng DOH, nasa 140% ang itinaas ng kaso ng HIV sa bansa sa loob ng nakalipas na 10 taon. Samantalang pinalalakas ng DOH ang kampanya sa kalalakihan ukol sa ligtas na pakikipagtalik, patuloy rin ang pagbibigay-kaalaman at paalaala sa kababaihan na may relasyon o sekswal na kontak sa mga lalaking nakikipagtalik din sa kapwa lalaki.

“Maaaring makuha ng kababaihang ito ang impeksyon at kung sila’y magbubuntis, maaaring maipasa pa nila ang impeksyon sa kanilang mga magiging sanggol, kung kaya higit na kailangan ang pagtuturo sa kanila ng ligtas na pakikipagtalik,” pahayag pa ni Morin.

Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang lumagda sa pandaigdigang kilusan upang wakasan ang paglaganap ng AIDS sa taong 2030, kung kaya pursigido ang ahensya sa kaniyang 90-90-90 fast track strategies. Layunin ng istratehiyang ito na masuri ang 90% man lamang ng mga taong may HIV, maipabatid sa kanila ang tunay nilang katatayuan, maisailalim sa anti-retroviral therapy at mapigilan ang pagkahawang muli kapag nasimulan na ang kanilang gamutan.

Kaugnay nito, lalong pinalakas ng kagawaran ang kampanya sa tamang edukasyon, pagsusuri at gamutan, alinsunod Republic Act 11166 o AIDS Policy Act of 2018.

“Bilang aksyon, pinalawak na rin ng DOH ang pagsusuri sa mga may edad 15 taon, o sa mga wala pang 18-anyos kahit walang pahintulot ng magulang, at sa mga wala pang 15-anyos na mga buntis o nasa high rish behavior, sa tulong ng lisensyadong social worker,” pagdidiin pa ni Morin.|#BALIKAS_News

- Advertisement -
- Advertisement -

More articles

BATANGAS -- Individuals transferring ownership of properties by way of succession would not need to pay for charges and interests for delayed payment of transfer taxes as the Sangguniang Panlalawigan acted on it with promptness, September 2. In a regular...
SAN JUAN, Batangas -- IN relation to the published Tropical Cyclone Bulletin Nr 08 issued by PAGASA as of 09:00 AM, September 02, 2024, the Philippine Coast Guard - San Juan Sub Station temporarily suspends voyages of all vessels/watercrafts...
NANAWAGAN si Balayan mayor JR Fronda sa publiko ng ibayong pag-iingat at kaagad na magreport sa kanilang barangay o sa kanilang rural health unit, o maging sa mga lingkod ng bayan, kung sakaling may makitang sintomas ng monkey...
- Advertisement -

Latest article

- Advertisement -