BATANGAS City — ISINAGAWA ang unang general assembly ng 18 barangay na nabibilang sa Cluster Solid East nitong January 22 sa barangay Tulo kung saan tinalakay ang status ng pangangasiwa ng kanilang mga basura matapos na sumailalim sila sa information/education activity ng mga Katuwang ng Barangay: Responsable Aktibo Disiplinado (KA BRAD) coordinators na mga piling empleyado ng pamahalaang lungsod.
Nagsimula ang information/education campaign ng KA BRAD sa mga barangay noong Nobyembre 2018 sa pangunguna ng City Solid Waste Management Board (CSWMB). Ito ay upang mapalakas at maging sustainable ang makakalikasang pangangasiwa ng basura alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at Batangas City Environment Code. Mahalagang bahagi rin ito ng pagtugon sa climate change ng nagdudulot ng mas malalang kalamidad.
Positibo namang sumunod ang mga taga barangay sa pamamagitan ng pag-kakaroon ng kanilang mga programa at stratehiya sa tamang pangangaiswa ng basura kagaya ng pagbuo ng mga barangay officials ng Barangay Solid Waste Management Board, pagbubukod ng basura sa bahay bahay at pagtatayo ng Materials Recovery Facility IMRF).
Sa ginawang pagpupulong, isa sa mga binigyang pansin ang iisang truck na ginagamit ng hauler sa paghahakot ng basura ganoong nakabukod na ang mga basura ng mga residente.
Ayon kay Joyce Cantre, hepe ng General Services Department (GSD), bagamat iisa ang truck, ito ay may partition para sa mga nabubulok at hindi nabubulok na basura. Mismong ang mga collectors ang nagbubukod ng basura habang nasa truck.
Sinabi rin din ni Cantre na tatakluban ang mga basura sa trak para hindi matapon ang mga ito habang nasa daan.
Hinggil naman sa reklamo sa mga gumagalang aso na nagkakalkal ng basura, magkakaroon ng pakikipag-ugnayan sa Office of the City Veterinary and Agricultural Services hinggil sa impounding ng mga galang aso.
Nakasaad sa Anti Rabies Ordinance na dapat itali ng mga may ari ang kanilang aso sa loob ng bakuran upang huwag makakagat ng tao.|#