SAN PASCUAL, Batangas – MARIING pinabulaanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng punumbarangay ng Barangay Bayanan sa bayang ito ang umano’y pamba-braso ni Depurity Speaker at Batangas’ 2nd District Congressman Raneo Abu para umano’y baguhin ang ruta ng Batangas City-Bauan By-Pass Road.
Nito ring nakaraang linggo, mabilis na kumalat sa social media ang post ng isang nakatago sa pangalang Mikoy Abaya ukol sa umano’y pambabrasong ito ng congressman. Ganito ang nilalaman ng kaniyang post:
“DUMALE ANG KAWATAN: Kaya pala delayed ang bypass road na magpapagaan sa trapiko sa San Pascual – Bauan ay dahil pinilit padaanin ang kalsada sa kanyang lupain kung nasan ang kanyang mansion. Tsk tsk tsk”
Nasa karugtong ng naturang post ni Abaya sa Facebook ang isang bahagi ng balitang inilathala ng Abante Tonite:
Naunang ibinalita sa media na may isang bahay sa gitna ng kalsada mismo, o kung saan nasa mismong binuo na concrete road sa Brgy. Bayanan sa San Pascual, Batangas.
Sinasabing pag-aari ito ng Brucal family, at ang problema ay dahil sa right-of-way problems.
Sinabi ni Felicidad de San Pedro, residente ng lugar, na base sa kanilang pagkakaalam ay hindi dapat dadaan ang kalsada o tutumbukin ang bahay ng Brucal family.
Binago na lang umano ang orihinal na road alignment na naunang isinumite ng DPWH.
“The road alignment based on our original parcellary survey is more cost effective since we avoided passing through the populated area. However, Congressman Raneo Abu intervened to have it revised, napilitan ang DPWH na baguhin ito,” ayon sa staff ng DPWH 2nd District Engineering Office ng DE Abrigonda.
Sa panayam kay DPWH District Engineer Edwin Abrigonda nitong Biyernes, Enero 18, sinabi ng opisyal na pinulong na niya ang kaniyang mga tauhan at pilit na inalam kung sino ang sinasabing tauhan ng kanilang opisina ang umano’y nag-sabi na pinuwersa ni Abu ang nasa-bing tanggapan paa maguhin ang orihinal na plano ng by-pass road.
Dagdag pa ni Abrigonda, sinabi rin umano ng kaniyang mga tau-han na wala namang nag-interbyu sa kanila ukol sa by-pass road at wala ring nagsabi ng ganoong impormasyon.
Wala rin umanong lupang pag-aari si Abu sa dinaanan o nakadikit man lamang ng ginagawang by-pass road, dagdag pa ni Abrigonda.
Sinabi naman ni Association of Barangay Councils (ABC) president at Punumbarangay ng Bayanan, Medel Medrano, na walang residente ang Barangay Bayanan na nagngangalang Felicidad de San Pedro. Ilang beses na umanong nakapag-ikot mula sa kaniyang barangay ang mga kagawad, tanod, at iba pang barangay functionaries upang matunton ang sinasabing nagrereklamong se De San Pedro, ngunit wala umanong ganoong pangalan na lumutang sa kanilang barangay, patunay lamang umano na gawa-gawaan lamang ito ng gustong manira sa reputasyon ng kongresista.|#BALIKAS_News