“KAY hirap mamaalam sa mahal sa buhay na hindi ko man lang namasdan, lalo pa’t higit limampung taon na kami magkasama.”
Ito ang tumatangis na pahayag ni Nanay Petronila Daño, asawa ni Mamay Florencio Daño, sa isinagawang ritu ng pamamaalam sa mga di na nakitang biktima ng bagyong Kristine sa Lawa ng Taal, Huwebes ng umaga, Nob. 7.
Si Mamay Florencio ay isa sa tatlong residente ng bayan ng Agoncillo, Batangas na hindi na nakitang biktima sa pagtatapos ng search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard.
Ngayong Huwebes ng umaga, isinagawa ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng butihing Punumbayan Cinderella Valenton-Reyes, Pangalawang Punumbayan Daniel D. Reyes kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga kawani ng PNP, BFP, MDRRMO, PIO, PCG at mga kaanak ng mga kababayan nating nawawala dahil sa bagyong Kristine ang pag-aalay ng dasal at bulaklak sa tulong ni Rev. Fr. Randy Sodario ng Our Lady of Miraculous Medal Parish.
“Binaybay po natin ang mga lugar kung saan pinaniniwalaang nawala ang ating mga kababayang sina Leodigario Laurel, Analyn Encarnacion at Florencio Daño. Napakalungkot ng balita na ibinigay ng mga kasapi ng ating Search and Retrieval Group kahapon dahil itinigil na ang paghahanap sa tatlo nating kababayan,” pahayag ni Mayor Cindy Reyes.
Sunod namang isasagawa ang pag-aalay ng banal na misa para sa lahat ng mga nangamatay na mga kababayan sa pananalasa ng bagyong Kristine noong Oktubre 24, 2024.|
[Mga larawan mula sa Municipal Information Office, LGU-AGoncillo]