25.4 C
Batangas

Paraisong Isla Verde, handa ka na ga?

Must read

- Advertisement -

SA karamihan ay isang ordinaryong pulo lamang na hindi kakakitaan ng pag-asang umunlad o sumulong sa hinaharap. Pero sa iba, ito ay isang paraiso na puno ng lahat ng potensyal para maging isang bagong Boracay na magiging pangunahing destinasyon ng mga turista, maging lokal man o banyaga, at ang industriya ng turismo ang siyang magsusulong upang umangat ang Isla Verde.

Ngayong nagdaang Semana Santa, dinagsa ng maraming tao ang Isla Verde – mga dating residente na nagsiuwian, mga kasamahang bisita, at marami ring mga walang kamag-anak dito ngunit piniling ito ang pagbakasyunan – karamihan ang dahilan ay matapos mapanood sa programang Kapuso Mo, Jesica Sojo ang ganda ng Isla Verde.

Ang pagkakataong ito ang naging dahilan upang ilang usaping maaaring hindi nabigyan ng pansin sa mga nakalipas na panahon ang nagsilutang. Caught in the act, wika nga. Hindi naging handa ang isla sa potensyal nito na maisulong nang husay ang turismo rito.

Sa kabila ng mabilis na pagsibol ng mga beach resorts, lubhang kinulang ang mga accommodations para sa mga bisita. Bukod sa mga beach resorts, may mga homestay din o mga bahay o kubo na pinauupahan sa mga transients o iyong mga dumarating na nangangailangan ng disenteng matutuluyan para sa magdamagang (overnight) paglagi, o maging makailang araw. Kaya naman, marami ring nagsipagtayo na lamang ng tents o kubol dahil nga matagal pa bago mag-Holy Week ay fully-booked na ang mga resorts at iba pang accommodations.

May mga pribadong tao na nakatira sa tabing-dagat o beach front areas na naningil sa mga nagtatayo ng tents sa dalampasigan na katapat ng kanilang mga tirahan. May naningil ng P350, na ayon naman sa ilang source ay ito’y para sa paggamit ng comfort rooms, mga gamit sa kusina, at paglilinis ng bakuran at dalampasigan – bagay na hindi naging malinaw sa iba. Sinikap nating alamin sa ating mga sources kung sinu-sino ang naningil, magkano, at para saan ito. At nabatid nating nangyari lang ito sa Sitio Mahabang Buhangin, sakop ng San Agustin Kanluran.

Marahil ay ito nga ang sinasabing, dumating na ang panahon na Isla Verde ay susulong at susulong din, lalo na sa larangan ng turismo; kung kaya’t kailangang maging handa ang mga opisyal ng mga barangay at maging ang mga mamamyan mismo para sa tinatawag na ‘development’ na ito.

Panahon na para maging pro-active ang mga opisyal ng bawat barangay. Oo, hindi lamang ng San Agustin Kanluran, kundi maging ng lahat ng anim na barangay. Marahil, kung mamarapatin ng mga opisyal ng barangay (mga nakaupo at mga naghahangad na maihalal sa nalalapit na halalan), narito ang ilang panukala:

  1. Magpasa at magpatupad ng ordinansang pambarangay para sa pangangasiwa ng basura, lalo na sa dalampasigan. Ipatupad ang pagbabawal sa pagbabaon ng basura sa dalampasigan o pagtatapon sa mga inaanuran ng tubig-baha na magdadala ng basura sa dagat.
  2. Magpasa at magpatupad ng ordinansa na nagtatakda ng pagrerehistro ng mga bahay-tuluyan (homestay) o mga temporary inns, upang matiyak ang seguridad ng nagpapatuloy at nanunuluyan. Pagrerehistro sa barangay ng mga bangkang-de-motor na pinauupahan sa mga bisita para mamamasyal sa palibot ng Isla o pumunta sa ibang resorts o punta.
  3. Magpasa at magpatupad ng ordinansang nagtatakda ng pagrerehistro ng mga turista, lokal man o banyaga; at pagbabayad ng karampatang environmental fee gaya ng ipinatutupad na sa ibang bayan.
  4. Magtayo ng mga pampublikong palikuran at shower area na maaaring magamit ng mga turistang walang matuluyan. Ang bayad na makokolekta sa mga ito ay maaaring siyang gamitin sa maintenance at pagpapanatili ng kanilisan nito.
  5. Mag-organisa ng mga tourist guide na may kaukulang pagsasanay na siyang maaaring gumabay sa mga turista.
  6. Tulungan ang mga tagabarangay na magtayo ng mga souvenir shops na maaaring magtinda ng mga items sa mga turista.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga panukala na maaaring gawin ng indibidwal na barangay o pagsama-samahan ng mga barangay para sa unipormeng pagpapatupad.

Sa pamamagitan ng mga mungkahing ito, maaaring mabawasan, kung hindi man kaagad lubusang mawala ang mga problemang maaaring kaharapin ng Isla Verde sa pagsulong nito. Gayundin, ito ay maaaring maging daan para lalo pang dayuhin ang Isla Verde, ngunit may magpapahalaga sa dinatngan at magsusulong naman sa kabuhayan ng mga taga-Isla Verde.

Sitio Mahabang Buhangin lined up with tents.| Photo Credit: Jenezel Lopez Enriquez via FB

Mahalagang tandaan, na may umiiral tayong batas. Ang ating mga aplaya ay tinatawag na bahagi ng public domain o pag-aari ng estado. Malinaw ang isinasaad ng Article 51 ng Presidential Decree No. 1067 na ang mga pampang ng ilog at batis, at mga dalampasigan ng dagat at lawa – ang kabuuang haba nito at ang tatlong (3) metro kung sa kabayanan, 20 metro kung sa agricultural at 40 metro kung kagubatan – ay itinuturing na easement para sa paggamit ng publiko.

Ito ang dahilan kung bakit binabakbak ngayon ang mga istruktura sa Boracay at Palawan na lumapas sa mga nakatakdang sukat ng easements. Malinaw rin na dahil ito ay pag-aari ng estado, hindi tama at iligal na maningil ang mga pridadong indibidwal para sa pagtatayo ng mga tent o kubol sa dalampasigan, maging ito man ay nasa tapat ng kanilang tahanan.

Kaya naman, kung ang barangay ay may pinagtibay na ordinansa para rito ay mapangangasiwan ang paglalagay ng mga tent o kubol at maipatutupad ang pagsingil ng kaukulang environmental fee para sa maintenance o pangangasiwa ng kaayusan at kalinisan ng mag dalampasigan at pangangasiwa ng basura.

Kaayusan at pagkakaisa para maisulong ang pag-unlad at pagpapanatili ng iisang Isla Verde.|

Stargazing along the beach.| Photo Credit: Kratos Agus (Charmer Jay) via FB

 

- Advertisement -
- Advertisement -

More articles

IN a move highly anticipated by her supporters, former Batangas governor Vilma Santos-Recto, put an end to speculations on what position she’s going to run again with her filing of Certificate of Candidacy (COC) in a bid to...
WHEN Christ explained the parable of the sower and the seed (cfr. Mt 13, 18-23), the obvious conclusion that we can make is that we should be the good ground to receive the seed of God’s word so that...
BALAYAN, Batangas – WHEN a political leader finished his or her term and the spouse is elected to the position vacated, continuity of services, in some rare cases cannot be underestimated. This is the scenario in western part of Batangas,...
- Advertisement -

Latest article

- Advertisement -