By JOENALD MEDINA RAYOS
MATAASNAKAHOY, Batangas – UUNAHAN na ng pamahalaang bayan ng Mataasnakahoy ang pag-atake ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng partial lockdown mula makahatinggabi ng Martes.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 5, S. 2020 na nilagdaan ni Mayor Janet M. Ilagan noong Huwebes, Marso 12, hindi na aniya hihintayin pa na magkaroon ng kaso ng COVID-19 bago kumilos.
Mula ngayong araw ng Linggo ay nagtalaga na ng checkpoint sa pangunahing daan papasok sa Mataasnakahoy – ito ang highway sa Barangay 2 sa gilid ng Fernando Air Base kung saan ay sasailalim sa thermal scanner ang lahat ng papasok sa bayan ng Mataasnakahoy. Kung sakalaing may lagnat ay kakilanganing mag-fill up ng Health Declaration Checklist.
Pagdating naman ng Martes, ganap na ika-12:01 ng hatinggabi, ipatutupad na ang lockdown sa tatlong iba pang entry-exit sa bayan ng Mataasnakahoy – ito’y ang sa Brgy. Kinalaglagan sa boundary ng bayan ng Balete, sa Brgy. Calingatan sa may San Salvador, at sa Brgy. 2 – Highwood Subdivision na may access naman sa Brgy. Bagong Poob sa Lungsod ng Lipa.
Sa pagsasara ng mga nasabing lagusan papasok at palabas ng naturang bayan, tanging ang daan sa mainroad patungo sa Lungsod ng Lipa sa gilid ng Fernando Air Base lamang ang maiiwang access road ng mga taga-Mataasnakahoy.
Kaugnay nito, nanawagan pa si Mayor Ilagan sa publiko na makiisa at dagdagan ang pang-unawa sa mga hakbanging pangseguridad na ipinatutupad ng kanilang munisipyo.| – BALIKAS News Network