CITY OF CALAMBA, Laguna – PERSONAL na ibinigay ang isang (1) Philippine Scops Owl (Otus megalotis) ng Born To Be Wild, sa pangunguna ni Dr. Nielsen Donato, noong 4 Hunyo 2021 sa DENR CALABARZON Regional Wildlife Rescue Center (RWRC) sa Brgy. Lamot, Calauan, Laguna. Ang nasabing ibon ay personal ding tinanggap ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria.
Ang nasabing ibon ay naiturn-over ng malusog at walang sakit. Ang ibong ito ay ibabalik muli sa natural nitong tirahan pagkatapos ng pagpupulong ng Disposition Committee ng Rehiyon. Ang ganitong klase ng ibon ay “endemic” o matatagpuan lamang sa Pilipinas.
Isa namang Asian Palm Civet (Paradoxurus hermaphroditus) ang muling ituturn-over ng Born To Be Wild. Ang nasabing civet ay nagtamo ng ilang mga sugat at muling ibibigay sa RWRC pagkatapos nitong masuri sa Hayop Kalinga.
Ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), ang Philippine Scops Owl at ang Asian Palm Civet ay nasa kategoryang “Least Concern”. Ang mga species na nasa klasipikasyong ito ay ang mga hayop na hindi pa nahaharap sa malapit na pagkaubos, ngunit kinakailangan pa rin bantayan at pangalagaan para maiwasan ang koleksyon, kalakal, at iba pang aktibidad na maaaring makaapekto sa kanilang populasyon.
Ayon kay DENR CALABARZON RED Tamoria, lahat ng buhay-ilang ay kinakailangang may kaukulang permit sa DENR. Ang pag iisyu ng permit ay kinakailangan upang maitala ang aktwal na bilang ng buhay-ilang na inaalagaan. Ito rin ay naglalayon na proteksyunan ang mga buhay-ilang mula sa maling pag-aalaga at para maproteskyunan ang populasyon ng buhay-ilang sa ilegal na koleksyon at pagkaubos ng mga ito.
Ang kahit na sino na mahuhulihan ng ilegal na koleksyon at pag-aari sa kahit anong buhay ilang na walang kaukulang permit ay maaaring kasuhan alinsunod sa RA 9247, o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa ating kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa ating mga buhay ilang ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 – 48 local – 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON: https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.