KINILALA bilang Top Performing Molecular Laboratory sa buong South Luzon (Region IV-A at Region IV-B) ang Philippine Red Cross- Batangas Chapter Molecular Laboratory at nagkamit ng 100% Proficiency Test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong May 2021.
Ito ang magandang ibinalita ni PRC Chairman and CEO Senator Richard Gordon sa mensaheng kanyang ipinaabot sa virtual celeb-ration ng first founding anniversary ng nasabing laboratoryo, Hulyo 23.
Ayon sa kanya, may 143,793 COVID-19 tests ang naisagawang PRC Batangas molecular laboratory sa loob ng isang taon nitong operasyon. Malaking tulong aniya ito sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
“Ang pandemya ay katulad ng isang digmaan ngunit ang kaibahan nito ay hindi hindi natin nakikita ang kalaban kung kaya’t ang pinakamabisang panlaban dito ay ang pagsasagawa ng mga tests”, sabi pa ni Chairman Gordon.
Naniniwala siya na bukod sa pagsunod sa health and safety protocols, kailangang samahan ito ng tracing, massive testing at vaccinations.
Isinusulong niya ang pagsasagawa ng RT-PCR saliva tests upang mas malaking bilang ang masuri at mas mabilis na malaman ang resulta upang agad na ma-isolate at magamot ang mga magpopositibo rito.
Binigyang-diin din niya ang kanilang tagline na “We test to save lives” at hinikayat ang lahat na maging best in saving lives.
Sinabi naman ni PRC Molecular Laboratory director at dating Health secretary Paulyn Ubial na ang molecular laboratory ng PRC Batangas Chpater ay may kakayahang magsagawa ng hanggang 4,000 test araw-araw ngunit hindi naman ito nagagamit lahat kung kaya’t patuloy ang kanilang panawagan sa mga lokal na pamahalaan na makipag-network sa PRC para makatuwang sa serbisyo ng pagsusuri.
Ayon kay Chairman Gordon, nakahanda ang Philippine Red Cross na magtayo pa ng dagdag pang molecular laboratory sa Lalawigan ng Batangas kung kakailanganin upang mapakina-bangan ng mas maraming mama-mayan at maiwasan ang paglaganap ng bagong COVID-19 delta variant.
Aniya pa, dahil sa masigasig na pagresponde ng mga bumubuo ng PRC Batangas Chapter sa pangunguna ni Chapter Administrator Ronald Generoso, ibinubuhos ng PRC ang mga kailangang ayuda rito gaya ng mga response vehicles, food trucks, at mga kagamitan sa evacuation centers, bukod pa ang suplay ng pagkain at iba pang tulong na kailangan sa pagresponde sa anumang uri ng kalamidad na tumama sa Lalawigan ng Batangas.| – May ulat ni Joenald Medina Rayos at PIO Batangas City