By JOENALD MEDINA RAYOS
BATANGAS City – NASA kamay na ng Regional Development Council (RDC) ang magiging kapalaran ng mga priority projects ng Pamalaang Panllalawigan na nakatuon sa general welfare ng probinsya at may malaking impact sa pambansang ekonomiya.
Kabilang sa mga proyektong ito ang Regional Food Terminal (RFT), Batangas Railroad System Project, Batangas Port Development Project – Phases III & IV, Batangas International Port Development Project, Batangas Amity Tower, Batangas Access Zone, Taal Lake Water Supply Development Project, at ang Development of Telecommunication of Municipalities.
Ang mga naturang proyekto ay sabay-sabay na tinalakay sa pagdinig ng Committee of the Oversight ng Sangguniang Panlalawigan noong Lunes, Mayo 28 at pinagtibay naman ng kapulungan sa sesyon nitong kasunod na Lunes, Hunyo 4.
Mapapansing ang mga proyektong ito ang priority projects ng administrasyong Mandanas na inianunsyo niya sa kaniyang pagbabalik-kapitolyo noong Hunyo 30, 2016.
Maaala ring matagal nang ipinanukala ni Gobernador Mandanas ang pagtatayo ng regional food terminal sa dating Philippine Coal Authority (PCA) compound sa Brgy. Sta. Rita, Lunsod Batangas hanggang sa may hangganan ng Brgy. Danglayan, bayan ng San Pascual. Anang gobernador, bukod sa madaling hahatak ng mga mamumuhuan sa larangan ng food business ang proyektong ito dulot ng istratehikong lokasyon nito na malapit sa Port of Batangan at isang konsiderasyon din ang pakapagsara ng food terminal sa Taguig, Metro Manila.
Malaon na ring isinusulong ang muling pagbuhay sa railroad system mula Batangas patungong Maynila na siyang mas magpapadali sa paggalaw hindi lamang ng tao kundi maging ng komersyo sa rehiyon; maging ang patuloy pang pagpapalawak ng Batangas International Port Project na tutuwangan naman ng pagtatayo ng Batangas International Airport.
Ang Batangas Amity Tower naman ay isang pamumuhuan ng mga negosyanteng Tsino na magtatayo ng isang multi-use tower sa loteng pag-aari ng pamahalaang panlalawigan na ngayon ay nasasakop ng Batangas Provincial Community Park. Ang panukalang Taal Lake Water Supply Development Project ay isang panukalang idebelop ang paghigop ng tubig mula sa Lawa ng Taal at iproseso ito para maging potable water na magsusuplay sa mataas na bahagi ng baybay-lawa gaya ng bayan ng Laurel, Talisay at Lunsod Tagaytay.
Samantala, nilalayon naman ng interconnection program ng lalawigan na maitayo ang matibay at malakas na interconnectivity ng bawat bayan sa lalawigan upang mas mapabilis ang komunikasyon at maisulong ang progreso sa kanayunan.|#BALIKAS_News