STO. TOMAS, Batangas – LUMIPAD na patungong Europa ang rector ng National Shrine of St. Padre Pio, Fr. Joselin “Jojo” Gonda, kasama ang may 62 katao, Setyembre 24, isang araw matapos ipagdiwang ang ika-50 taon ng kamatayan ng nasabing santo, upang sunduin ang di-naaagnas na puso ni Padre Pio mula sa San Giovanni Rotondo sa Italya at dalhin sa bansa.
Kasama ni Fr. Gonda, sina Fr. Mike Samaniego, Fr. Eric Arada at Fr. Raymond Igbalic at ang mga laykong deboto ni Padre Pio. Bago tumulak patungong San Giovanni Rotondo, bibisita muna ang grupo sa ilan pang mga banal na lugal sa Pransya at Italya. Apat na araw silang titigil sa San Giovanni Rotondo bago sila lumipad pabalik sa Pilipinas para sa makasaysayanag pagdalaw ng puso ng santo, kasama ang dalawang paring Capuchino mula sa nasabing monasteryo ni Padre Pio.
Inaasahang darating bago maghatinggabi sa Ninoy Aquino International Airport ang grupo. Doon ay magkakaroon ng “welcome liturgy” na pamumunuan ng Lubhang Kagalang-galang Arsobispo Ramon C. Arguelles, Arsobispo-Emerito ng Lipa, kasama ang ilan pang mga paring kasama sa Executive Committee tulad nina Fr. Oscar Andal, Fr. Ildefonso Dimaano, Fr. Froilan Carreon at Fr. Gerald Macalinao. Mula sa NAIA, ang grupong sinalubong at sumalubong ay gagabayan ng Highway Patrol Group ng PNP sa pagtahak ng landas patungong Pambansang Dambana.
Magkakaroon ng isang Misang Pagtanggap sa Dambana na pangungunahan ng Lubhang Kagalang-galang Gilbert A. Garcera, Arsobispo ng Lipa, kasama pa rin si Arsobispo Ramon Arguelles,, at mga kaparian. Matapos ang Misa, itatanghal ang nasabing puso sa Divine Mercy Sanctuary for Pilgrim, kalapit ng simbahan, upang doon ay malapitan, makita at makapanalangin ang mga mananampalataya at deboto ni Sto. Padre Pio.
Ayon kay Fr. Nonie Dolor, Vice-Rector ng Pambansang Dambana, habang nakalagak pa sa pambansang damdana ang puso ni Padre Pio, bukas para sa lahat ang lugal magdamag o 24/7. Umaapela siya sa mga magtutungo doon na basta sundin ang sistema ng paglapit sa kinalalagyan ng puso sa maayos na daloy ng mga debotong nais makita ito.
“Huwag silang umasang magtatagal sila pagnaroon na sila sa harapan ng puso. Matagal na ang limang segundo at kailangan na silang magbigay para sa iba. Kaya wala nang panahon para sa “selfie” kalapit ng puso. Kunan na nila ng larawan habang sila ay nakapila o malapit na sa dulo,” paliwanag ni Fr. Nonie Dolor./lcd