NAGLABAS ng pahayag ang Roxas and Company, Inc. (RCI) ukol sa naganap kamakailan na kilos protesta ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) mula sa Nasugbu, Batangas.
Nanawagan ang RCI sa lahat ng mga panig na kalahok sa isyu na igalang ang
desisyon Department of Agrarian Reform (DAR) ukol sa mga lupaing matagal nang
pinaglalabanan.
“Nakakabahala at nakakapagtaka ang kilos protesta ng mga ARB, dahil sumang-ayon
naman sila na ipabahala na sa DAR ang pinag-a-alitang mga lupain, kaya obligado sila na
sumunod sa desisyon ng departamento,” saad ng RCI sa kanilang statement.
Umamin din umano ang RCI na nadismaya ito sa desisyon ng DAR. “Sa katunayan, hindi ayon sa inaasahan ng RCI ang utos ng DAR, ngunit pinanindigan namin ang aming pangako at sinunod namin ang desisyon na ipagkaloob ang kalahati ng 2,600 ektaryang lupain sa RCI, at ang natitirang kalahati sa ARBs.”
Ang pantay na hatian sa pagitan ng RCI at ARBs ay iniatas ng DAR sa pamamagitan ng
consolidated order, na siya namang tumapos sa tatlong dekadang pagtatalo tungkol sa
tunay na may-ari ng libu-libong ektarya ng lupa sa Nasugbu, Batangas.
Ayon sa RCI, kinailangan munang sumang-ayon ng lahat ng kasangkot na ipaubaya na sa DAR ang pagsusuri ng kaso bago mapagpatuloy ang resolusyon. Ayon rin sa statement ng RCI, nakakabahala rin anila ang umano’y delayed reaction ng mga ARB sa desisyon ng DAR, dagdag pa nito, “anim na buwan pagkatapos sumang-ayon ang mga ARB na ipaubaya ang hatol sa DAR, ay bigla na lamang nagsagawa ng kilos protesta ang mga ito.”
Ikinalungkot din ng kumpanya ang diumano’y pagtatangka ng mga ARB na palabasin na
“RCI ang responsable para sa tunggaliang ito, kahit na maging ang kumpanya ay umayon
lang rin lamang sa hatol ng DAR.” Bukod dito, pinabulaanan ng RCI na mayroon itong
financial obligations sa mga ARB, na salungat sa utos ng DAR.
Dagdag pa rito, tiniyak ng kumpanya na hindi pa nito gagalawin ang lupaing inilaan sa kanila ng departamento. Ayon sa kanilang statement, “anumang pahayag tungkol sa mga aksyon na ginagawa, o gagawin, na may kinalaman sa mga nakasaad na lupain, ay espekulasyon lamang sa puntong ito.”
Pinagtibay rin ng RCI ang kanilang intensyon na ipagpatuloy ang pagsunod sa inilabas na
resolusyon, at hinikayat ang lahat ng kalahok na “sundin ang angkop na proseso at
tanggapin ang utos ng DAR.”
“Kung makikiisa ang lahat ay mas mapapadali at mapapabilis ang solusyon sa matagal nang alitan sa mga lupaing ito,” pagwawakas ng RCI sa kanilang inilabas na company statement.|