By JOENALD MEDINA RAYOS
(UPDATED / Jan. 26, 2020) – BINAWI na ng Pamahalaang Panlalawigan ang nauna nitong anunsyo na sisikaping maibalik bukas, Enero 27, ang regular na klase ng mga nasa K-12 level o pre-elementary to senior high school — na sa ngayon nga ay nananatili pa ring suspendido.
Ito’y upang maihanda muna ng lubusan ang mga silid-aralan o paaralan na ginamit na evacuation center ng mga naging biktima ng pagputok ng Bulkang Taal.
Nauna rito ay naibalita noong Martes, Enero 21, na may posibilidad na maibalik na sa Lunes, Enero 27, ang regular na klase ng mga mag-aaral ng K to 12 o mula pre-elementary hanggang senior high school sa mga pribado at pampublikong paaralan sa mga lugar na nasa labas ng 14-km radius danger zone.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa Department of Education (DepEd) para sa bagay na ito.
Ayon sa pununglalawigan, sa ipinakikitang pag-ayos ng sitwasyon ng bulkang Taal, prayoridad na maibalik din ang klase ng mga mag-aaral kung kaya’t ipinag-utos na niya sa engineering department na maihanda kaagad ang mga lugar na paglilipatan ng mga bakwit na nasa mga paaralan.
Kaugnay nito, mariin ang direktiba ng gobernador na mailipat sa Batangas Rehabilitation and Detention Center at sa Batangas Evacuation Center sa Brgy. Malainin at Brgy. Talaibon sa bayan ng Ibaan ang mga bakwit sa mga school facilities.
Samantala, nilinaw pa rin ng gobernador na sakaling maibalik na ang klase sa mga nasa loob ng 14-km radius danger zone at dating mga locked down areas, hindi naman na papayagang makabalik pa sa volcano island ang mga dating nakatira doon. Sa halip, maglalagay ng improvised classrooms sa mga lugar na paglilipatan ng mga bakwit upang makapagklase pa rin ang mga apektadong mag-aaral habang nagtutuluy-tuloy ang recovery and rehabilitation stage.| – BALIKAS News Network