By JOENALD MEDINA RAYOS
ITINIGIL na ng isang kumpanya ng de latang sardinas ang kanilang produksyon ng de latang tawilis bilang kontribusyon sa pagsagip sa nauubos na populasyon ng kaisa-isahang freshwater sardines sa Pilipinas na sa Lawa ng Taal lamang mahuhuli.
Sa opiyal na pahayag ng CDO Foodsphere Corp. na inilathala sa Facebook page, sinabi ng kumpanya na pormal na nilang itinigil ang produksyon ng San Marino Premium Tawilis kasunod ng deklarasyon ng international environment body na isa dang endangered species ang Sardinella tawilis.
Kaalinsabay nito, bilang bahagi ng depletion plans ng kumpanya, ipinag-utos na rin ng pangasiwaan ang pagbawi sa mga produktong di pa nabebenta sa merkado at pamamahagi nito sa mga charitable institutions.
“San Marino is committed to doing its share in protecting and preserving our marine wildlife and natural resources,” pahayag ng kumpanya. Makikipag-ugnayan din umano ang kumpanya sa mga ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa Lawa ng Taal, upang matulungang mapanatili ang itinuturing na “precious Sardinella tawilis.”
Kamakailan lamang ay iniulat ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) na nakabase sa bansang Switzerland na ang Sardinella tawilis ay “nanganganib” o endangered species na bunga ng labis na eksploytasyon, polusyon at maging kumpetisyon at panlulusob ng iba pang mga uri na mula sa labas ng lawa na nagreresulta sa patuloy na pagkasira ng mga tirahan ng mga isdang tawilis at unti-tunting pagbagsak ng populasyon nito.|#BALIKAS_News