NASUGBU, Batangas — PINAGHAHANDAAN ngayon ng local na pamahalaan ng Nasugbu ang inaasahang pagdagsa ng mga turista hindi lamang ngayong semana santa kundi ngayong summer vacation.
Ayon kay Alex Pimentel, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer isa sa kanilang tututukan ay ang traffic dahil sa inaasahang pagtaas ng volume ng mga sasakyan na papasok sa kanilang bayan dahil sa pagbubukas ng Access Road sa Cavite.
Tantya ng opisyal, inaasahan nilang tataas ng 40% ang bilang ng mga sasakyang mapaparagdag sa kasalukuyang volume ng nagyayaot sa bayang ito.
Binanggit ni Pimentel na nirebyu nila ang kanilang traffic management plan noong nakaraang taon kung saan nakita nila ang kanilang kahinaan na dapat i-improve ngayong taon.
Ayon sa pinuno ng tanggapan pinag-aaralan nila kung alin ang mga kalsada na maaaring gamitin bilang alternatibong daanan para hindi magsisiksikan sa mga pangunahing lansangan .
Samantala, babantayan din nila ang mga simbahan, resort at ilog na dinadagsa sa ganitong panahon katuwang ang iba pang ahensya partikular ang PNP.
Katuwang rin ng tanggapan ang mga opisyal ng barangay na kanilang sinanay.|J. DAVID / #BALIKAS_News