By JOENALD MEDINA RAYOS
BAUAN, Batangas – HALOS kasabay ng walang tigil na pagbuhos ng bakwit sa mga evacuation centers, nagsimula na ring bumuhos ang ayudang pagkain, tubig, damit, gamot at mga beddings mula sa mga ahensya ng pamahalaan at maging mula sa pribadong sektor.
Sa hanay ng mga senador, isa sa mga unang tumungo sa Batangas at naghatid ng tulong si Senadora Imee Marcos, nitong Miyerkules ng umaga, na bumisita sa Bauan Technical High School dala ang may 850 packs ng mga groserya at personal hygine kits. Dala rin ng senadora ang isang trak na kutson para may mahigaan ang mga bakwit sa evacuation centers.
Binisita rin ng senadora ang mga bakwit sa DREAM Zone sa kapitolyo at maging ang mga nasa Batangas Provincial Sports Complex sa Bolbok.
Sa isang panayam sa ginta ng pag-iikot ng senadora, sinabi ni Marcos na batay sa kanyang assessment ay bukod sa dagdag na suplay ng gamot ay kapansin-pansin ang higit na pangangailangan ng temporary shelter ng mga evacuees lalo’t hindi aniya maaari silang magtagal sa mga evacuation sites habang nagpapatuloy at wala pang katiyakan kung kailan matatapos ang pagputok ng bulkan.
Dahil dito ay hiniling na niya sa DSWD na maglabas ng pondong P5 milyon bilang kagyat na tulong sa mga nasalanta.
Dagdag pa ni Marcos, kailangang matiyak din na maibigay sa mga biktima ng pagputok ng bulkan ang ibayong kalinga, lalo na ang mga bata, mga matatanda, may kapansanan at mga inang nagdadalang-tao.|-BALIKAS News Network