DAPAT madaliin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagbabayad ng reimbursement sa mga pinagkakautangang pribadong ospital sa bansa.
Ito ang panawagan ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., matapos na ianunsyo ng pitong ospital sa Iloilo ang kanilang tuluyang pagkalas sa PhilHealth sa susunod na taon.
Ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), napakahalaga ng parteng ginagampanan ng PhilHealth ngayong panahon ng pandemya kaya’t hinihimok niya ito na pabilisin ang pagbabayad sa mga pribadong hospital.
“Kailangan na kailangan sila ngayon ng mamamayan kaya mahalaga na maayos na nila ang kanilang problema. Higit sa lahat, taumbayan ang apektado kung bumitaw ang mga private hospitals sa PhilHealth. Pabilisin na ang proseso dahil ito naman ay serbisyong publiko,” sabi ni Marcos Jr.
Hinikayat rin niya ang PhilHealth na tuparin ang naunang ipinangako nito na tatapusin ang pagbabayad bago matapos ang taon.
“Sana mangyari ito dahil napakalaking bagay ang maayos na koordinasyon ng PhilHealth at private hospitals ngayong panahon ng pandemya,” sabi ni Marcos.
Ayon kay Dr. Jose Rene De Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi), ilang pribadong hospital sa National Capital Region (NCR), Quezon Province, Northern Luzon at General Santos City ang nagpahayag ng intensiyon na sundan ang ginawang desisyon ng pitong hospital sa Iloilo.
Simula 2019, ang PHAPi at Philhealth ay mayroon nang hindi pagkakaunawaan dahil sa mga unpaid claims na ayon sa grupo ay nakaaapekto na sa kanilang mga miyembro kaya’t ang ilan ay nagsara na dahil sa pagkalugi. Ang iba naman ay nagbawas na ng kanilang empleyado na nagiging hadlang sa maayos na operasyon ng ilang hospital.
Naunang sinabi ng PhilHealth na nakabayad na sila sa ilang miyembro ng PHAPi na itinanggi naman ng ilang ospital dahil wala pa umano silang nakukuhang bayad sa pamamagitan ng “debit-credit payment method.”
Nababahala si Marcos Jr. na ang mamamayang Pilipino ang lubusang maapektuhan dahil tiyak aniya na mahihirapan ang health services ng bansa kapag natuloy ang pag-alis ng mga pribadong ospital sa PhilHealth.
Kapag nangyari ito, walang ibang sasalo sa gastusin sa ospital kundi ang mga pasyente mismo.
“Napakahalaga na may matatakbuhan ang mga kababayan nating nangangailan ng tulong, lalo na sa panahon ngayong may pandemiya. Maaapektuhan ng unpaid claims na ito ang dapat sanang magandang serbisyo na ibinibigay ng mga pribadong ospital. Dapat na pag-igihan ng PhilHealth ang kanilang ugnayan sa mga private hospitals. Siguraduhin na sila ay mababayaran na upang hindi maputol at maapektuhan ang mga health care facilities,” giit pa ni Marcos Jr.
“May ilang ospital na ang nagsara dahil sa pagkalugi at hindi maganda na para maiwasan ang ganitong pangyayari ay mga Pilipino ang mahihirapan. Maraming Pilipino ang umaasa sa tulong na kanilang nakukuha sa PhilHealth. Kapag nag-withdraw ang mga pribadong hospital, tiyak na problema para ating mga kababayan kung saan sila kukuha ng pambayad sa ospital,” dagdag pa ni Marcos Jr.
Mungkahi ni Marcos sa PhilHealth ay gumawa na ito ng ‘flexible arrangements’ sa mga pribadong hospital para masiguro na maalagaan ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal.| – BNN