BATANGAS City — MALINAW ang sigaw ng may 70,000 kataong dumagsa sa Batangas Provincial Sports Complex, nitong Miyerkules, Abril 30, 2025 – ang pagbabago sa istilo ng pamamahala sa Lalawigan ng Batangas. “Maiba naman!”
“Noong malaman ko na may gagawing ganitong pagtitipon, umoo kaagad ako sa paanyaya ng aking kaklase. Hindi ako fans ng mga music bands, gaano man sila kasikat, dahil di ko linya ang musika. Pero dahil nabalita ko na magsasalita dito yung si Mike Rivera, kaya sige agad ako. Gusto ko siyang madinig at malaman ang kaniyang plataporma.”
Ito ang pahayag ni Monna, 19, ng Lipa City, sa panayam ng Balikas News.
“Dahil taga-Lipa po ako, kilala ko na po ang mga Recto at nadinig ko na rin ang speeches nila. Napanood ko na rin po ang ilang interview kay Vice Mayor JMI, pati po yung interview ninyo dati sa kaniya. Pero hindi ko pa po nadidinig ang speech nitong Mike Rivera, kaya gusto ko pong madinig,” dagdag pa ni Monna.

Sa libu-libong dumalo sa nasabing concert-rally, inihanay ni former 1-Care party list Cong. Mike Rivera ang kaniyang derecho at malinaw na plataporma para sa Batangas – iangat ang kalidad ng edukasyon at maging accessible ito sa lahat ng Kabataang Batangueno, itaas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan, at magkaroon ng livelihood opportunities ang mga mamamayan.
Katuwang si Governor Hermilando I. Mandanas na napili niyang maging bise-gobernador, sisikaping makapagtayo ng polytechnic colleges system para sa buong lalawigan na may maayos na campuses para sa bawat bayan upang hindi lamang basta makapagbigay ng scholarship sa mga Kabataan, kundi matiyak din ang accessible na educational facilities para sa kanila.
ILang taon ang nakalilipas, sinimulan ni Rivera ang pagtatayo ng Padre Garcia Polytechnic College. Ngayon, ang naturang kolehiyo ay ilang taon na ring nagsisilbi sa mga kabataang Garciano at maging sa mga kabataang mula sa mga kalapit bayan sa Batangas at sa Lalawigan ng Quezon.
“Kung paanong nagawa nating makapagtayo ng libreng dialysis center para sa buong probinsya sa Padre Garcia at community hospital ay tinitiyak din nating maitaas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa lahat ng sulok ng lalawigan,” pahayag ni Rivera.
Ayon pa kay Rivera, sakaling mabigyan siya ng mandato na maging gobernadora ay titiyakin niyang ang mga pangunahing okasyon at malakihang pagtitipon para sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan ay isasagawa sa Lungsod ng Batangas kung saan nakaluklok ang panlalawigang kapitolyo, ngunit tinitiyak din na ang mga serbisyong tutugon sa pangangailangan ng publiko at maihatid din sa bawat bayan at lungsod ng Lalawigan ng Batangas.| – Joenald Medina Rayos