TINATAYANG may 300 kabahayan sa Barangay San Agapito sa Isla Verde ang makikinabang sa isinusulong na solar electrification project ng pamahalaang lungsod ng Batangas kasunod ng isinagawang groundbreaking ceremony sa pagtatayuan ng solar power plant, Marso 2.
Ang proyekto ay magkakatuwang na itinataguyod ng lokal na pamahalaan ng Batangas sa pakikipagtulungan at maayos na ugnayan ng Sunpower Phils. Manufacturing Limited Inc., USAID, at ng One Meralco Foundation (OMF).
Kaugnay nito, mahigit sa 600 solar panels ang ipinagkaloob ng Sunpower na ilalagak sa may 2,000 metro kuwadradong lupa na donasyon ni Ruel Cueto na tubong Isla Verde habang ang USAID ang magbibigay ng mga inverters at baterya na magsisilbing storage hub upang magamit sa gabi ang stored solar power.
Sa kasalukuyan, ang Meralco ay nagsagawa na ng sarbey sa mga residente at pagsukat sa linya at pagtatayuan ng mga poste ng kuryente. Sila rin ang inaasahang mamamahala sa distribusyon at operasyon ng kuryente.
Sa bahagi ng pamahalaang lungsod, ito naman ang maghahanda sa mga kinakailangang dokumento at iba pang kakulangan para sa naturang proyekto.
Sinabi ni 5th District Rep. Marvey Marino, na malaon nang pangarap ito, hindi lamang ng mga residente ng isla at barangay kundi maging ang lokal na pamahalaan. Unang naging hakbang ang pakikipag-usap niya kay Meralco chairman Manny V. Pangilinan upang ipaalam ang sitwasyon ng mga residente ng isla na sinundan ng mga partnerships at collaborations sa iba pang stakeholders.
“Sa pagsusulong na ito ng electrification project, maraming bagay ang maaaring maidulot sapagkat isang potensiyal na eco-tourism site ang Isla Verde. Mas maganda kaysa Boracay kung ating ihahalintulad dahil bukod sa kilala ito bilang center of the center of marine biodiversity ay gagamit tayo ng kuryente na mula sa solar at walang anumang bahagi ng kalikasan ang maaapektuhan o masisira,” sabi pa ni Mariño.
Anang kongresista, sa kasalukuyan, naghahanap sila ng mamumuhunan na maaring mag-develop sa buong Isla Verde kung saan magkakaroon ito ng sariling master plan upang matiyak na nasa ayos ang lahat at hindi maaaring magtayo ng kung anu-anong pasilidad na maaaring maging panganib sa kapaligiran.
“Napakalaking bagay kapag naisulong ang turismo sa Isla Verde ngunit marami ding isaalang-alang ang pamahalaang lungsod tulad ng peace and order, pangangasiwa ng basura sakaling dumagsa ang mga turista, mga ayuda para sa mga residente upang magsimulang mamuhunan o magnegosyo at marami pang iba,” dagdag ni Mariño.
Bagama’t anim ang barangay sa Isla Verde, ang San Agapito ang piniling pilot area na nakatakdang simulan ngayong buwan. Napili ang San Agapito dahil sa bukod sa pinakamalaki ang populasyon ay organisado din ang samahan ng mga residente dito.
Inaasahang kapag nagsimula ng mapadaloy ang kuryente rito ay maaarin nang isunod na din ang ibang mga barangay ngunit pinapalawak pa ng pamahalaang lungsod ang mga partnerships sa pribadong ahensya at naghahanap pa ng mga may-ari ng lupa na maaaring mag-ambag ng paglalagyan ng solar panels.
“Maraming bagay po ang kailangang isaalang-alang bago naging pinal ang usaping ito. Ang lupang paglalagakan ng mga solar panels ay kinakailangang nasa tamang lugar na mataas ang sikat ng araw upang makakapag-imbak ng maraming enerhiya upang magamit pagsapit ng gabi. Matagal na panahong naranasan ng mga residente ng isla na tanging generator lamang ang gamit at ito ay may oras lamang ng paggamit mula alas-sais ng hapon hanggang alas-10 ng gabi,” pagtatapos ni Mariño.
Inaasahang sa pagkakaroon ng kuryente sa bahagi ng San Agapito, ito ay magbibigay pag-asa rin sa mga residente sa lugar na ito upang manatili o magbalik sa kanilang kinalakihang lugar.
Nagpasalamat naman si Mayor Beverley Dimacuha sa mga ahensiyang tumugon upang tuluyan nilang mabigyang katuparan ang pangarap ng mga residente ng Isla Verde na magkaroon ng kuryente.|May ulat ni Marie V. Lualhati