By BHABY P. DE CASTRO
LOBO,Batangas — ISINAGAWA ng Social Security System – Batangas Branch ang isang orientation cum on-time counselling sa Municipal Gymnasium sa bayang ito noong Hulyo 31.
Dinaluhan ng iba’t ibang sektor tulad ng barangay officials, manininda, miyembro ng mga tricycle drivers at operators at mga maybahay ang naturang orientation.
Tinalakay ni Zenaida Desembrana, Corporate Executive Officer ng SSS Batangas ang iba’t-ibang mga benepisyong makukuha sa pagiging miyembro ng SSS.
“Ilan lamang sa mga benepisyong maaaring mapakinabangan ng isang miyembro sa SSS ang sickness,death funeral,maternity at disability benefit na may iba’t-ibang sakop batay sa kontribusyon ng isang miyembro .”,ani Desembrana.
Samantala, ipinagbigay alam ni SSS Batangas Branch Head Engr. Edwin Igharas na patuloy ang pag-ikot ng kanilang tanggapan upang magkaroon ng universal coverage ang bawat Batangueño.
Sinabi pa nito na hindi naman kailangang Malaki ang kontribusyon lalo na sa voluntary at self-employed dahil ito ay batay sa kakayahan ng miyembro.
“Depende po sa inyo kung nais ninyong malaki o maliit ang inyong kontribusyon pero syempre mas malaking kontribusyon, mas malaking pension kapag dumating na sa edad na 60,” ayon kay Igharas.
Tinalakay din nito ang Loan Restructuring Program kung saan ang mga datihan ng utang na hindi nabayayadan ay maaring bayadan nang wala ng penalty.
Humigit kumulang sa 200 katao ang nakibahagi sa naturang orientation kung saan ilan sa mga katanungan ng mga dumalo ang may koneksyon sa edad kung kalian maaaring magmiyembro sa SSS; pagkakaroon ng utang na hindi nababayadan at paano ito maaaring mabayadan upang hindi na lumaki ang penalty.
Kasama rin sa inalam ng mga partisipante ang pagiging miyembro ng SSS ngunit sa kalaunan ay hindi na nakapaghulog ng buwanang kontribusyon at hindi na din natatandaan ang SSS number;paglilipat ng pangalan ng benepisaryo mula sa pagiging single at pagkakaroon na ng pamilya at marami pang iba.
Matapos ang orientation ay nagsagawa ng on-time registration at application ang mga nagnanais maging miyembro at nagpa-update ng kanilang mga records.