ISINAILALIM na sa State of Calamity ang buong Lalawigan ng Batangas upang kagyat na maipatupad ang rehabilitasyon sa malawak na pinsala ng bagyong Kristine.
Sa isang Special Session ng Sangguniang Panlalawigan ngayong araw ng Biyernes, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Mark Leviate, kasama ang mga myembro ng Sanggunian ang resolusyon ng pagdedeklara ng State of Calamity sa buong probinsya.
Bagaman at deklaradong walang pasok sa lahat ng ahensya ng pamahalaan sa buong Luzon ngayong araw, minamuti pa rin ng Sangguniang Panlalawigan na idaos ang naturang sesyon pagkatapos magdelara ng State of Calamity ang ilang bayan at lunsod na lubhang napinsala ng bagyo.
Kaugnay nito, inaprubahan na rin ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolusyon para sa paggugol ng 30% Quick Response Fund ng Calamity Fund bilang pantugon sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.| – Joenald Medina Rayos