By JOENALD MEDINA RAYOS
“WALANG dahilan upang mangambang magkaroon ng kakulangan sa suplay ng karne dahil sa agresibong produksyon nito sa bansa.”
Ito ang pahayag ni Senador Cynthia Villar sa kaniyang pakikiisa sa mga Batangueño sa pagdaraos ng Parada ng Lechon sa bayan ng Balayan nitong Linggo, Hunyo 24.
Pahayag ng mambabatas, maganda ang estado ngayon ng livestock and poultry industry sapagkat 65% ng suplay ng karne sa bansa ay mula sa backyard farming at 35% lamang ang mula sa corporate.
Isa pa aniyang magandang development sa sektor ng agrikultura ay ang katunayang 33% ng pagkaing kinokonsumo ng mga Pinoy ay mula sa produksyon ng mga local farmers ngunit ang nakakalungkot nito ay hindi pa rin sapat ang ayudang ibinibigay sa kanila ng pamahalaan.
“The government is allotting only about 2% of the budget as support to backyard farmers and yet the produce about 33% of the food we eat, (Ang pamahalaan ay naglalaan ng umaabot lamang sa humigit-kumulang 2% ng pambansang badyet bilang suporta sa maliliit na naghahayupan, ngunit sila ang nagpoprodyus ng 33% n gating pagkain)”, dagdag pa ng senadora.
Ito aniya ang dahilan kung bakit niya isusulong ang pagpapasa ng Livestock, Poultry and Dairy Development Act upang matiyak na mas malaking badyet ang mailalaan sa sektor ng paghahayupan na kahit hanggang P10-bilyon man lamang taun-taon kumpara sa halos P1.5-bilyon lamang ngayon.
Samantala, lubos ang paghanga ng mambabatas sa mga lokal na livestock raisers at ang patuloy na pagtatanghal ng mga Balayeños ng Parada ng Lechon na nagpapakita hindi lamang ng masarap na lechong luto sa bayan ng Balayan kundi maging ang maunlad na paghahayupan sa lalawigan.
Ang parad ang Lechon ay taunang selebrasyon ng bayan ng Balayan na nagmula pa sa matandang tradisyon ng mga taga-Balayan na isang paraan ng pasasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng Patrong San Juan Bautista sa masaganang pamumuhay na natatanggap ng mga mamamayan sa Kanluran bahagi ng munisipyo na kilala rin sa paggawa ng masarap na bagoong.
Dati ay sa isang barangay lamang ang selebrasyon hanggang sa lumaki ito at maging selebrasyonnng buong bayan na kilala at dinarayo hindi lamang ng mga lokal kundi maging ng mga dayuhang turista.|#BALIKAS_News