MALINAW ang boses o mensahe ng kabataang Batangueño. Hindi edad, kasikatan o popularidad ng mga artista ang pangunahing factor sa pagpili ng iboboto para sa alin mang posisyon ngayong darating na May 12, 2025 Synchronized Midterm Elections.
Ito ang mensaheng hatid ng resulta ng pre-election survey ng The Lathe, ang opisyal na pang-akademikong pahayagan ng Batangas State University – The National Engineering University na isinagawa mula Marso 25-Hanggang Abril 1, 2025.
Bagaman at hindi tinukoy kung ilan ang kabuuang bilang ng mga respondents sa naturang survey, malinaw naman sa panuntunan ng survey na ito ay bukas lamang sa mga mag-aaral ng naturang unibersidad, at makaboboto sapagkat tanging ang personal access code lamang ng bawat isang mag-aaral ang magagamit para makasagot sa naturang survey.
Malinaw ang preference ng mga respondents. Nakuha ni incumbent Governor at ngayon ay tumatakbo sa pagka-Bise Gobernador Hermilando I. Mandanas (PDP-Laban) ang kabuuang 49.9%.
Nag-abstain o hindi muna pumili ang kabuuang 40.1% ng mga respondents. Nakakuha lamang ng 5.3% si Luis Lucky Manzano ng Nacionalista Party at 4.7% naman si Bauan Mayor Ryanh Dolor na isang independent.
Malinaw na ipinakikita ng naturang survey na kahit pagsamahin pa ang boto ng dalawang kalaban ni Mandanas, ay hamak na mas mataas pa rin ang pumapabor kay Mandanas [5.3% + 4.7% = 10% vs 49.9%].
Gayundin naman kung mga undecided pa rin sa araw ng suvey na 40.1% ay pumabor lahat kay Manzano, malinaw na abante pa rin si Mandanas [40.1% + 5.3% = 45.4% vs. 49.9%].
Ang mga datos na ito ay malinaw na naghahayag na ang edad ni Governor Mandanas na 81 anyos ay hindi kailanman naging isyu para kilalanin ang kaniyang mga serbisyo, programa at plataporma para sa Kabataang Batangueño, at hindi umobra dito ang anumang paninira o bashing ng kaniyang mga kalaban sa pulitika.
Si Mandanas din ang may pinakamahabang karanasan sa serbisyo publiko, maging sa sanagya ng ehekutibo at lehislatibo.
Naging Gobernador ng Batangas mula 1995 hanggang 2004 at 2016 hanggang sa kasalukuyan; at naging Congressman ng Ikalawang Distrito ng Batangas mula 2004 hanggang 2013.| – BALIKAS News