By JOENALD MEDINA RAYOS
NAGBABALA na ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong umaga, Marso 9, ukol sa patuloy na abnormalidad ng Bulkang Taal, dahilan upang itaas ang alert status ng bulkan mula Alert Level 1 (low level of unrest) at itaas ito sa Alert Level 2 (increasing unrest).
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga kaganapan sa Taal Volcano ay nangangahulugan ng patuloy na paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan at nagpapahiwatig na maaaring maging dahilan ng muling pagputok ng bulkan, at maaari din namang hindi agad tuluyang pumutok ito.
Ipinaalala pa ng PHIVOLCS na bagaman at nakataas na sa Alert Level 2 ang bulakn, hindi pa rin inirerekomenda ang pagpapalikas sa mga residente sa mga baybayin ng Lawa ng Taal, ngunit mahigpit na ipinaaalala na ang buong Taal Volcano Island ay isang Permanent Danger Zone (PDZ) kung kayaโt ang pagtungo rito, partikular sa bisinidad ng Main Crater at Daang Kastila ay mahigpit na ipinagbabawal.
Dahil dito, patuloy na pinaaalalahanan ang mga lokal na pamahalaan na patuluyang tasahin o i-assess ang mga dati nang inilikas na mga barangay sa palibot ng lawa para alamin ang mga sirang daan at lagusan bilang bahagi ng paghahanda upang matiyak ang mabilisan at maayos na paglilikas kung kakailanganin.
Patuloy namang nananawagan ang otoridad sa publiko na manatiling mahinahon habang pinananatili ang paghahanda at making o maniwala lamang sa mga impormasyong ipinalalabas ng otoridad o sa mga beripikadong sources.
Pinaalalahanan din ang civil aviation authorities iwasan ng mga piloto ang pagpapalipad o pagdaan ng anumang uri ng sasakyang panghimpapawid sa sa bisinidad malapit sa bulakn upang maiwasan ang banta ng maaaring biglaang pagbuga ng usopkm at abo mula sa bulkan.|-BNN/jmr