By MARIA TERESA SILVA-BUÑO
PINATUNAYAN ng pamahalaang lunsod ng Tanauan na may dahilan upang patuloy itong maging best choice para paglagakan ng pamumuhunan o panirahan matapos kilalanin ng Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) Council sa katatapos na 6th Annual Regional Competitiveness Summit and Awards Ceremony sa Philippine International Convention Center (PICC), Agosto 16.
Sa nasabing okasyon, muling umarangkada at tinanghal ang Lunsod ng Tanauan bilang “Most Resilient Component City”.
Sa pangunguna ni City Mayor Jhoanna Corona-Villamor, City Vice Mayor Benedicto Corona, at mga miyembro ng Sangguniang Panlunsod, malugod na tinanggap ng pamahalaang lunsod ang plake ng pagkilala mula sa mga kinatawan ng CMCI Council sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang CMCI ay isang pamantayan na binuo ng National Competitiveness Council sa ilalim ng pangangasiwa ng DTI upang gabayan ang mga mamumuhunan sa bansa kung saang lugar magandang maglagak ng kanilang negosyo, korporasyon o kompanya na makalilikha ng trabaho para sa mga mamamayan.
Ang CMCI ay binubuo ng apat (4) na “pillars” na kinabibilangan ng “Economic Dynamism,” “Government Efficiency,” “Insfrastructure,” at ang idinagdag noong nakaraang taon, ang “Resiliency.” Ang mga haliging ito ang siyang sinusuri ng DTI sa mahigit 1,500 lokal na pamahalaan sa bansa na hinati sa apat (4) na kategorya: 3rd-6th class municipalities, 1st-2nd class municipalities, component cities at highly urbanized cities.
Ang “Resiliency Award” ay ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan na nakapagpamalas ng kapasidad na mangasiwa ng mga negosyo o industriya na nakapaglilikha ng trabaho at kapakinabangan, at nakapagpapalago ng kita ng mga mamamayan bagamat may matinding dagok sa buhay na nararanasan.
Kabilang sa mga sinuri sa lungsod sa ilalim ng “Resiliency Pillar” ang comprehensive land use plan; disaster risk reduction management plan kabilang ang annual disaster drill, early warning system, at utilization of DRRMP budget; pagsusumite ng local risk assessments reports; emergency infrastructure; utilities; employed population; at sanitary system.
Umabante naman sa pangkalahatang puwesto na ika-20 bilang “Most Competitive City” ang Tanauan sa taong ito kumpara sa mga nakamit nitong puwesto na ika-81 taong 2014 at ika-33 noong taong 2016.| #BALIKAS_News