PINAGTIBAY na ngayon sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang ordinansang nagtatakda ng pagbibigay ng amnestiya sa amilyar sa mga ari-ariang di natitinag (real property taxes) sa Lalawigan ng Batangas.
Sa ika-19 na regular an sesyon ng konseho noong Lunes, Nobyembre 14, na pinamunuan ni Acting Vice Governor Ma. Claudette U. Ambida, pormal na pinagtibay ang ordinansang inakda ni Board Member Jonas Patrick Gozos matapos talakayin sa naturang sesyon ang mga rekisitos ng pagpapatupad nito.
Bagaman at mga ganap ng lungsod ang Lungsod ng Sto. Tomas at Lungsod ng Calaca, mananatiling sakop ng pagpapatupad ng naturang ordinansa ang mga naturang lungsod.
Sa ilalim ng kani-kanilang cityhood charter, ang mga lungsod ng Sto. Tomas at Calaca ay hindi na kakailanganing mag-remit sa pamahalaang panlalawigan ng kanilang mga koleksyon sa real property taxes gaya rin ng sa Lungsod Batangas, Lungsod ng Lipa at Lungsod ng Tanauan.
Matatandaang nagsagawa ng isang pampublikong pagdinig sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone noong nakalipas na lingo na dinaluhan ng mga pambayang tresusero, mga kinatawan muna sa pribadong sektor.
Layunin ng ordinansa na maalalayan ang mga Batangueñong mamumuwis na makapagbayad ng kanilang mga amilyar ng walang ipinapataw na interes o multa sa mga hindi nabayarang amilyar dulot ng pagkalugmok ng ekonomiya, bunsod naman ng pagputok ng Bulkang Taal at Covid-19 pandemic.
Magkatuwang na pinangasiwaan ang naturang pagdinig nina Bokal Gozos bilang tagapangulo ng Committee on Laws and Ordinances, at ni Philippine Councilors League-Batangas Province chapter president Melvin Vidal bilang tagapangulo ng Committee on Ways and Means.
Hihintayin na lamang na malagdaan ng gobernador ang naturang ordinansa at mailathala ito sa isang pahayagang local bao tuluyang mapatupad at mapakinabangan ng mga mamamayang Batangueño.| – BNN