BATAY sa huling datos ng Provincial Assessor’s Office (PAO) noong taong 2018, nakapagtala ang Lalawigan ng Batangas ng halagang mahigit PhP 118 Bilyon na total taxable assessed value, na pinakamataas sa nakalipas na apat na taon.
Sa ulat ni Engr. Joselito Javier, Assistant Department Head ng nasabing tanggapan, noong ika-18 ng Pebrero 2019, ipinakita nito ang graph na nagpamalas sa trend ng pagtaas ng assessed value ng lupa sa lalawigan. Binigyang-diin dito ang malaking pagbabago ng halaga mula sa Php77B noong 2014 hanggang sa Php118B para sa 2018. Taong 2016-2017 naman makikita ang malaking diperensya o pagtaas sa total taxable assessed value na mula sa Php 92B ay naging Php114B.
Ayon sa Provincial Assessor’s Office, ang malaking agwat ng pagtaas ay bunsod ng mga bagong deklarasyon ng ari-arian ng mga malalaking kumpanya sa Batangas.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay pinarangalan ang Batangas Province sa idinaos na 2018 Mid-Year Performance Evaluation ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) Region IV-A (CALABARZON), matapos manguna sa buong rehiyon ng magtala ng Highest Total Assessed Valuation para sa taong 2017, na may kabuuang mahigit Php 114 bilyong assessed valuation.
Samantala, patuloy pa rin ang mga aktibidad ng tanggapan ng Panlalawigang Tagatasa, tulad ng Tax Mapping sa Calaca na malapit nang magtapos; ang bagong bukas na Tax Mapping sa Talisay; at, ang tuluy-tuloy na Saturation Drive o ang pagdiskubre sa bawat munisipyo ng mga undeclared property para magkaroon ng tax declaration.| Mark Jonathan M. Macaraig