BALAYAN, Batangas — BILANG bahagi ng pagbisita ni Senator Manny “Pacman” Pacquiao sa lalawigan ng Batangas, kasama ang kanyang ka-tandem na si Cong. Lito Atienza, pinuntahan din nila ang bayan ng Balayan.
Isa sa layunin ng senador ay makapagbigay ng ayuda sa mga residente ng Balayan na apektado ng pandemya.
“Pagkatapos niyan (Covid-19 pandemic) bigyan po natin ng pansin yung trabaho, maraming nawalan ng trabaho. Unahin po natin ang pagresulba sa pandemya ngayon”, pahayag ni Senador Pacquiao.
Dagdag pa ng mambabatas, kailangan na wakasan ang pagnanakaw, upang makabalik na tayo sa normal na ekonomiya at malagong bansa.
“Iyang nararamdaman ninyo, nararamdaman ng bawat isang naghihirap na tao, ramdam ko ho iyan, dahil diyan po ako galing. Naranasan ko po na walang makain sa isang araw”, aniya pa.
Sa kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo ng bansa, nais umano ng mambabatas na mabigyang pansin ang pagbibigay ng trabaho sa lumalaking work force ng bansa.|- Romnick Arellano/BNN