BATANGAS City – SA saliw ng pag-awit ng ‘Dalit’ at pagdarasal ng Santo Rosario, muling isinagawa ng mga deboto ang taunang Fluvial Procession at Traslacion ng Mahal na Poong Sto. Niño ng Batangan nitong nakaraang Martes, Enero 7.
Nagsimula ang magkakaugnay na gawain sa unang bahagi ng Traslacion – ito ay ang pagsundo nina Congressman Marvey Mariño at Mayor Beverly Dimacuha, kasama ng ilang mga opisyal ng pamahalaang lungsod, mga kawani at kinatawan ng iba’t ibang sektor sa mapaghimalang imahen ng Mahal na Patron mula sa Basilica ng Inmaculada Concepcion at Pang-Arsidiyosesis na Dambana ng Sto. Niño ng Batangan at dinala sa People’s Quadrangle kung saan ay inihandog ng mga piling mag-aaral mula sa mga unibersidad at kolehiyo sa lungsod ang parangal.
Kasunod ng parangal ay dinala ang imahen sa may bunganga ng Ilog Calumpang kung saan naman nagmula ang Fluvial Procession. Isinakay sa isang mala-pagodang bangkang de motor ang Mahal na Patron, at kasunod ang may mahigit 20 iba pang bangka ay binagtas ng mga ito ang katubigan ng barangay Wawa, Malitam at Cuta papasok sa Ilog Calumpang hanggang sa makarating sa bahagi ng Barangay Pallocan. Matiyaga namang naghintay sa Calumpang Bridge ang mga debotong hindi nakasama sa Fluvial Procession.
Bukod sa isang istilo ng pamamanata at debosyon sa mahala na Patrong Sto. Niño, ang pagsasagawa ng Fluvial Procession ay isang ring tradisyon ng pagbabalik-tanaw sa makasaysayang pagkakatagpo sa imahen ng Sto. Niño na nakitang nakapatong sa isang troso o batang sa Ilog Calumpang.
Nang mai-akyat na sa Calumpang Bridge ang Mahal na Patron, hinandugan naman Siya ng sayaw na Subli at saka naman itinuloy ang ikalwang bahagi ng Traslacion, ang pagpuprusisyon sa kabayanan pabalik sa Basilica.
Pagdating sa Basilica, kaagad na isinunod ang pagdiriwang ng Banal na Misa, hugyat ng pagsisimula ng 9-araw na nobenaryo bilang paghahanda sa Kapistahan ng Mahal na Poong Sto. Niño ng Batangan sa Enero 16.| – Joenald Medina Rayos