BATANGAS City – MAS pinili nina Batangas City Lone District Congressman Marvey Mariño, ng kanyang maybahay na si Mayor Beverly Rose A. Dimacuha at ng lahat ng opisyal ng pamahalaang lungsod ng Batangas na sa isang rural barangay idaos ang kanilang panunumpa sa tungkulin para sa kanilang ikalwang termino (2019-2022), Hunyo 28, bilang pasasalamat at pagkilala sa mga rural barangays na nagtiwala at buong suportang isiniguro ang 17-0 panalo ng kanilang team.
Maaga pa ng araw na iyon ng Biyernes, dumagsa sa Brgy. Ilijan Multi-Purpose Complex ang mga tagasuporta at mga karaniwang mamamayan mula sa 105 barangay ng lungsod upang saksihan ang makasaysayang panunumpa ng mga nasabing opisyal.
Nanumpa si Mayor Beverley sa harap ni Punongbarangay Ana Antido ng Mabacong, samantalang si Congressman Mariño naman ay nanumpa sa harap ni Association of Barangay Councils (ABC) president Angelito Dondon Dimacuha na kaniya ring bayaw.
Kasunod nito ay sabay-sabay na nanumpa kay Mayor Beverley ang bumubuo ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Emilio Francisco ‘Jun’ Berberabe, Jr., kasama sina Councilors Alyssa Renee Cruz-Atienza, Aileen Ariola-Montalbo, Nestor Dimacuha, Karlos A. Buted, Gerardo dela Roca, Oliver Macatangay, Nelson Chavez, Julian Villena, Julian Pastor, Ched Atienza, Aleth Lazarte at Junjun Gamboa.
Bago ito ay nanuna nang nakapanumpa si Senior Board Member Ma. Claudette U. Ambida-Alday at Board Member Arthur G. Blanco kay ABC Provincial Federation president Wilfredo maliksi noong Hunyo 25, pagkatapos ng kanilang closing session sa Sangguniang Panlalawigan.
Ang Barangay Ilijan na nabibi-lang sa Solid Baybay Cluster ang nakapagtala ng pinakamaraming boto na naibigay sa Team EBD mula pa ng panahon ni dating Mayor Eduardo Dimacuha.
Pahayag ni Mayor Dimacuha sa kaniyang inaugural speech na napagdesisyunan ng kanilang pamilya na idaos ang oath taking ceremony sa naturang barangay bilang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat sa mga mamamayan sa baybaying dagat na lubos ang pagtitiwala at suporta sa kanila, sa halip na sa Batangas City Sports Coliseum o sa Batangas City Convention Center sa kabayanan.
Binanggit din ng Mayor ang isang kasabihan na “Ang hindi marunong lumingon sa pinangga-lingan ay hindi makararating sa paroroonan” kung kayat ang maka-saysayang kaganapang ito sa Ilijan ay isang pagpapatoo sa kasabihang ito. Isa rin aniya itong pagbibigay ng parangal kay Mayor Eddie na isang anak ng baybaying barangay.
Sinabi rin niya na si Mayor Pedro Tolentino na siyang nanguna sa pagsusulong upang maging isang lungsod ang Batangas ay anak ng Ilijan kung kayat sa ika-50 aniber-saryo ng Batangas City, binibigyang pugay ang mga nagawa ni Mayor Tolentino na nagbigay-daan sa ibayong kaunlaran ng lungsod.
Binanggit din ni Mayor Bever-ley ang kanyang magiging agenda sa kanyang pag-upo sa ikalawang termino ng kanyang paninilbihan gaya ng paglulunsad ng Mobile City Hall upang lalong mailapit ang pamahalaan sa mga mamamayan; pagtutuunan ng pansin ang public at socialized housing kung saan prayoridad ang mga taong nakatira sa mga high-risk areas; ibayong pagpapatupad ng scholarship program sapagkat ang edukasyon ay tulay sa magandang buhay.
“Ngayong Agosto po ay magkakaloob ng mga bagong kurso sa CLB (Colegio ng Lungsod ng Batangas) upang higit pang makatulong sa mga mahihirap na estudyante tulad ng Bachelor of Science in Accountancy at Bachelor of Technology and Livelihood Education,” sabi ng Mayor.
Bibigyan din aniya ng allowance ang mga CLB students at dadag-dagan ang allowance ng mga college scholars. Ipagpapatuloy rin ang taun-taong pamamahagi ng school supplies sa mga public elementary school students.
Prayoridad pa rin aniya ang EBD healthcard kung saan dadag-dagan ang alokasyon para sa dialysis services at dadagdagan din ang bilang ng mga ospital at health facilities na accredited ng health card.
Kabilang naman sa mga pro-yekto para sa sports development ang pagkumpleto sa mga pasilidad ng Grand Stand at sports complex at rehabilitation ng sports coliseum.
Ilan pa sa mga proyekto ang pagtatapos ng palengke, debelopment ng Isla Verde, Mt. Banoy, Haligue Silangan at Calumpang River bilang tourist attractions.
Pagtutuunan din ng pansin ang good governance kung saan ang unang executive order na gagawin niya ay ang pagbuo ng Internal Audit Service na binubuo ng mga empleyadong may kanya-kanyang expertise o kasanayan upang maayos ang gawain ng mga kagawaran at tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Maglalagay rin aniya ng suggestion box sa harap ng Mayor’s Office upang maiparating ang mga bagay na dapat matugunan ng kinauukulan.
Nagtanghal naman ang Dangal ng Lungsod ng Batangas Chorale at ang Bambino Strings ng Casa Del Bambino Emmanuel Montessori School.|May ulat mula sa PIO Batangas City