By JOENALD MEDINA RAYOS
AGONCILLO, Batangas – BUONG kagalakan at may pagmamalaking iinulat ni Mayor Daniel Reyes ang mahahalagang accomplishments ng kaniyang naunang dalawang (2) termino bilang punumbayan ng Agoncillo na aniya’y siyang ‘jumping board’ niya upang ikasa ang mas marami pang programa na magdadala sa kaniyang mga kababayan sa isang mas progresibong munisipyo sa hinaharap.
Kasunod ng kaniyang panunumpa sa katungkulan bilang punumbayan ng Agoncillo noong Hunyo 22, inihayag ni Mayor Reyes ang 4-Point Agenda na siyang pokus ng kaniyang administrasyon sa ikatlong termino, na tinatawag niyang HEAT Agenda – Health, Education, Agriculture, Tourism.
Anang alkalde, nakaangla ang pagsasakatuparan niya ng HEAT Agenda sa mga nauna niyang programa sa nakalipas na dalawang termino mula noong taong 2012.
“Maganda po ang naging katatayuan ng aming bayan sa maraming aspeto, at ito maramil ang dahilan kung bakit tayo pinagkatiwalaang muli ng ating mga kababayan na pamunuan ang ating bayan sa susunod pang tatlong taon,” pahayag ni Mayor Reyes.
Aniya pa, maganda ang naging economic status ng Agoncillo na masasalamin sa sobra pang doble ng Annual Budget nito mula P11-milyon noong 2012 na naging P27-milyon ngayong 2019. Ito aniya’y dahil naging maganda rin ang pagtanggap ng publiko sa mga programa ng munisipyo, lalo na ng nasa sektor ng pagnenegosyo.
Kung noon aniyang 2012 ay mayroon lamang P4,380,960.64 na pamumuhunan sa kaniyang bayan, lumobo ito ng hanggang 301% ngayong 2019 sa halagang P17,573,755.41. Dahil dito ay tumaas din ng 120% ang local revenue collection mula P12,520,792.59 na naging P27,610,651.79 sa loob ng nakalipas na anim na taon.
Dumami na rin ang mga stalls sa palengke kaya naman tumaas din ng 24% ang koleksyon mula sa mga market stalls at slaughterhouse mula P1.541M na naging P1.915M. Maging ang koleksyon sa buwis sa mga ari-ariang di-natitinag (real property taxes o RPT) ay tumaas ng 62% mula P782,417.10 na naging P1.270M, kaya naman tumaas din ng 115% o sobra pang doble ang kabahagi ng Agoncillo sa Internal Revenue Allotment (IRA) mula P43.8M noong 2012 na naging P94.3M ngayong 2019.
Resulta ng pag-unlad
Dahil sa mga progresong ito ng bayan ng Agoncillo, nakabili ang munisipyo ng maayos na sasakyang gamit sa paghahatid ng mga serbisyo, pang-relief operation, ambulansya at iba pang gamit.
Sa larangan ng imprastraktura, may kabuuang 20-kilometrong farm-to-market roads at 1.5-kilometrong municipal roads ang naipagawa at nakongkreto, dagdag pa ang walong (8) covered courts at 80 classrooms na naitayo ng liderato ni Mayor Reyes. Sa kabuuang P1.53-bilyong halaga ng pagawaing bayan na natapos sa loob ng anim na taon, P150-M dito ay mula sa pondong lokal, P120-M ang mula sa Department of Education, P50-M mula sa pamahalaang panlalawigan, P10-M mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan, at P1.2-B naman mula sa pamahalaang nasyunal partikular sa DPWH sa pamamagitan ni Congresswoman Ma. Theresa Collantes.
Pagkilala at Karangalan
Ipinagmalaki rin ni Mayor Reyes na hindi nagpahuli ang kaniyang bayan sa iba pang local government units (LGUs) sa lalawigan sa larangan ng isports, edukasyon at pamamahala.
Ilan sa mga pagkilala at karangalang tinanggap ng Agoncillo sa nakalipas na anim na taon ay ang pagiging Child-Friendly Municipality (Regional Level), 2015 Gawad Kalasag, Seal of Good Local Governance (Provincial Awardee), 2017 Good Financial Housekeeping, at 2018 Child-Friendly Municipality (National Awardee).
Ipinakita rin ng mga kabataan ng Agoncillo na hindi sila huli sa iba pa, sa maraming karangalan at kampeonatong iniuwi sa larangan ng palakasan at edukasyon, bagay na siyang naging dahilan din ng mababang crime-rate ng munisipyo.
HEAT Agenda
Dahil sa magandang pundasyon na nailatag ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na dalawang termino, sa tulong ng Sangguniang Bayan dito, positibo si Mayor Reyes na maayos niyang makukumpleto ang mga nakaprogramang proyekto sa ilalim ng kaniyang HEAT Agenda sa susunod na tatlong taon.
Sa serbisyong pang-kalusugan (H-Health), tiniyak ni Mayor Dan ang pagtataas ng antas ng pasilidad-pangkalusugan gaya ng Rural Health Unit (RHU), konstruksyon ng Half-Way House at Basic Emergency Obstetrics & New Boarn Care (BEONB) facilities.
Mula sa P800,000 budget noong 2012 na may 11 tauhan lamang, meron na ngayong P3.05-M budget pangkalusugan ang Agoncillo na may 28 manggagawa.
“Punung-puno na rin po ang ating sementeryo, kaya’t tututukan din natin ngayon ang pagpapalawak nito,” pahayag pa ni Mayor Reyes.
Upang matiyak na maibibigay niya sa kaniyang mga constituents ang mataas na antas ng serbisyong pangkalusugan, nagsiguro si Mayor Reyes na may sapat siyang kaalaman at kakayahan sa pamamahala at paghahatid ng serbisyo, kung kaya’t tinapos niya ang 3rd Municipal Leadership and Governance Colloqium – isang Health Development Programs ng UP College of Public Health, Zuellig Foundation at ng Department of Health (DoH).
Ito ay isang programa na tinuturuan ang mga punumbayan at municipal health officers, o mga nangangasiwa ng mga RHUs kung paano pinamamahalaan ang mga programang pangkalusugan sa isang bayan at boluntaryo namang dinadaluhan ng mga lider. Tinanggap ni Mayor Reyes ang kaniyang Certificate of Completion noong Hunyo 21, kasabay ni Mayor Celsa Rivera ng Padre Garcia.
Sa larangan naman ng Edukasyon, patuloy ang pagbibigay ng munisipyo ng mga iskolarsyip sa mga kabataang nangangailangan nito. Mula sa 12 iskolar ng munisipyo sa kolehiyo noong 2012, umabot na ito sa 177 ngayong 2019, kung saan ay 80 rito ang nakapagtapos na at 60 naman ang may maayos ng trabaho.
May kabuuan ding 634 na pre-schoolers na inaayudahan ang munisipyo mula sa dating bilang na 505.
Nasa Agrikultura naman ang malaking bahagi ng kinikita ng bayang ito, partikular sa fishcage industry na siyang bumubuhay sa maraming taga-Agoncillo. Katunayan nito, mula sa P7.21-M kita noong 2012, tumaas ito ng 121% at naging P15.9M ngayong 2019.
Ngunit sa loob ng nakalipas na anim na taon, napanatili pa rin ng munisipyo na hanggang P1,500 fisgcages lamang ang lisensyadong nag-ooperate sa Taal Lake na sakop ng Agoncillo.
“Isa sa mga challenges na isinasagawa ngayon ay ang pagseguro sa limitadong bilang ng mga fishcages. Naggawa po kami ng isang Task Force upang alamin ang bilang talaga ng mga existing fishcages at ipatupad yung PAMB (Protected Are Management Board) Resolution na naglilimita sa 1,555 ang bilang ng aming mga fishcages,” pahayag pa ng alkalde.
Sa larangan naman ng Turismo, prayoridad ngayon ng munisipyo na makakita ng lugar na madedebelop bilang People’s Park. Bahagi ito ng 4.5 ektaryang lupa na ilaan lamang sa mga pasilidad pangturismo sa bayang ito.
Binabalak din ni Mayor Reyes na magtayo ang munisipyo ng Ecolodge sa kahabaan ng Pansipit River at promosyon ng nasabing ilog bilang potential kayak destination; at maging ang pagdiriwang ng Grand Lapaz para mai-promote ang sayaw-dasal na Subli ng Agoncillo.
Sa pagsisimula ng kaniyang ikatlong termino, lubos ang pasasalamat ni Mayor Reyes sa mainit na suporta ng kaniyang mga kababayan, ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Danny Anuran, at ng kaniyang pamilya, partikular ang kaniyang maybahay na katuwang rin niya sa paglilingkod sa bayan.|BALIKAS News