By JOENALD MEDINA RAYOS
BATANGAS City – KAILANGANG suspendehin muna ang ipinapataw na Value Added Tax (VAT) sa mga pangunahing pangangailangan o lalo na sa pagkain, gayundin sa mga produktong petrolyo at lahat ng uri ng gamot upang tiyak na matulungan ang publiko, partikular ang mga mahihirap.
Ito ang isinusulong ni Ilocos Governor Imee Marcos na mas katanggap-tanggap at mas tiyak na solusyon sa papalaking suliranin sa pagkain, komyut o transportasyon at komunikasyon — tatlong pangunahing suliranin ngayon ng sambayanang Pilipino.
Ayon pa kay Marcos, maging si Senador Ralph G. Recto na siyang ama ng batas na nagsulong ng pagpapataw ng VAT ay naniniwala na sa panahon ngayon ay maaaring suspendehin muna ang pagpapatupad nito sapagkat sobra na ang kahirapang dinaranas ng publiko.
Sa kaniyang pagdalo sa pagdiriwang ng ika-34 na anibersaryo at general assembly ng Banapra Development Cooperative sa Batan-gas City Spots Coliseum noong linggo, Marso 17, sinabi ni Marcos na ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang pagkain at gamot ay lalong nagpapahirap sa taumbayan.
Aniya pa, hindi naman maaaring ipagpaliban ang pagkain, gayundin ang pag-inom ng gamot ng mga maysakit kaya malaking tulong sa publiko kung sususpendehin muna ang VAT. Ngayon aniyang natanggal na ang VAT sa mga gamot sa kanser at iba pang matitinding sakit, wala aniya siyang nakikitang dahilan para pigilan o sabihing hindi kayang isama na ang lahat ng uri ng gamot.
Ang maya’t maya naman aniyang pagtaas ng presyo ng mga pro-duktong petrolyo ay isa ring dahilan ng matinding pagsipa ng presyo ng pagkain, pagtaas ng pamasahe at maging ang pagpapatakbo ng mga makinarya ng mga telecommunication companies kaya nananatiling pinakabulok sa Asya ang ser-bisyo ng komunikasyon sa Pilipinas.
No to 5-6!
Samantala, hinikayat naman ni Senador Cynthia Villar ang mga kasapi ng nasabing kooperatiba na panatilihin at palakasin pa ang kasipagan at pagsisikap na mapataas pang lalo ang serbisyo ng BANAPRA, at magkaisang laging isulong ang pagkokooperatiba sapgakat ito ay susi ng pag-unlad lalo na sa kanayunan.
Aniya pa, iwasan aniya ang pangungutang sa 5-6 sapagkat sa halip na matutulungan silang makaahon sa kahirapan ay ito pa rin ang hihila sa kanilang pababa at tuluyang bumagsak dahil sa sobrang laki ng tubo rito.
Patuloy pa ring isinulong ni Villar ang farm tourism at carpentry. Kaya naman patuloy niyang hinihikayat ang mga pamahalaang lokal na isulong pagtatayo ng mga farm school sa bawat lungsod at munisipyo. Sa pamamagitan aniya ng farm tourism ay makatitiyak ang mga kasapi na may maayos at tiyak na suplay ng pagkain at pagkakakitaan sa bawat mamamayang Pilipino.
Hinikayat din ng senadora ang mga kasapi ng kooperatiba na subukang magpadala ng mga magsasanay sa mga carpentry training centers ng Sikap Foundation. Aniya, malaki ang oportunidad na naghihintay sa mga graduates ng nasabing centers na makapagtrabaho kaagad sapagkat sa kanila mismong housing projects ay libu-libong manggagagawa ang kanilang kailangan sa ngayon.
Ipinagmalaki rin ng senadora na karamihan sa mga babaeng nagsipagsanay rito ay tiyak na makapagtatrabaho, sapagkat kung ang mga lalaki ay siyang mga nagtatrabaho bilang mga mason at tagahalo ng semento, ang kababaihan naman ang siyang nagiging pintor ng mga housing units nila.|#BALIKAS_News