26.2 C
Batangas

Vatican: Obispo Obviar, isang “venerable”

Must read

- Advertisement -

By JOENALD MEDINA RAYOS

VATICAN City – DALAWANG hakbang na lamang ang nalalabi at isa ng ganap na santo ang Batangueñong Obispong Alfredo Ma. Arandia Obviar, ang kauna-unahang Obispo ng Diyosesis ng Lucena sa lalawigan ng Quezon.

- Advertisement -

Ito’y matapos ipalabas ni Papa Francisco ang dekreto nitong nakaraang Huwebes, Nobyembre 8, naghahayag na ang mabunying Obispo Obviar ay isa ng “venerable” (kapami-pamintuho) o maitututring na modelo ng kabanalan. Sa pamamagitan din ng dekretong ito, kinikilala ng Santo Papa ang uliran at makabayaning pagsasabuhay ni Obispo Obviar ng mga katangian ng isang mabuting Kristiyano.

Sa pamamagitan ng pagdeklara sa kaniya bilang “venerable” dalawang milagro na lamang ang hinihintay ng Simbahang Katoliko, partikular ng Congregation for the Causes of Saints (CCS) para kilalanin ng Santo Papa – una, para sa kaniyang beatipikasyon at ideklarang “beato” o “pinagpala”; at ikalawa, para sa kaniyang kanonisasyon o pagkilala bilang santo o banal.

Binuksan ang proseso ng kaniyang pagiging santo ng Diyosesis ng Lucena at ipinagkaloob ng CCS ang “Nihil Obstat” (walang hadlang) sa pangdiyosesis na proseso noong 2001. Naipagkaloob ang decree of validity noong 2007 at sinimulan ang “Roman Phase”. Noon namang taong 2014, isinumite na ang “Positio” at natapos lamang ang pagrerebyu ng mga teologo noong nakalipas na taong 2017.

SI Venerable Alfredo Ma. A. Obviar at ang mga madre ng Missionary catechists of St. Therese, ang kongregasyon na kaniyang itinatag sa San Narciso, Quezon.|CONTRIBUTED PHOTO

Kilalanin si Obispo Obviar

Isinilang noong Agosto 29, 1889 sa Mataas na Lupa, Lipa, Batangas. Unang nag-aral sa College of St. Francis Xavier sa Maynila at nagtapos ng elementarya noong 1901. Tinapos niya ang kursong Batsilyer ng Sining sa Ateneo de Manila noong 1914, saka tumuloy sa University of Santo Tomas Pontifical Seminary.

Inordenang pari noong Marso 15, 1919 at nagsimula ng kaniyang ministeryo sa Barrio ng Luta (ngayon ay Malvar, Batangas). Sa simula pa ng kaniyang ministeryo ay may katangi-tanging pagpansin na siya sa pagtuturo ng katesismo. Naging Bikaryo Heneral ng noon ay Diyosesis ng Lipa, at naging kumpesor at kapilyan (chaplain) ng monasteryo ng mga madreng Karmelita sa Lipa hanggang sa maging obispo oksilyar ng Diyosesis ng Lipa noong 1944.

Enero 22, 1951, itinalaga siyang Apostolic Administrator ng bagong Diyosesis ng Lucena.

Sa kaniyang marubdob na hangaring mapalaganap ang pananampalatayang Katoliko at makapagbigay ng matibay na pundasyon ng pananampalataya, itinatag niya ang Missionary Catechists of St. Therese (MCST) noong Agosto 12, 1958 sa San Narciso, Quezon.

Upang masolusyunan ang kakulangan sa pari, itinatag din ni Obispo Obviar ang St. Alphonsus School of Theology sa Lunsod Lucena.

Siya rin ang nag-orden noong Marso 17, 1956 kay Reb. Padre Ricardo Vidal ng Boac, Marinduque na kalaunan ay naging arsobispo ng Lipa, naging kardinal at naging arsobispo-emerito ng Arsidiyosesis ng Cebu. [Ang Marinduque ng panahong iyon ay sakop pa ng Diyosesis ng Lucena hanggang sa maging hiwalay na diyosesis noong Abril 2, 1977].

Kabilang din si Obispo Obviar sa mga Council fathers sa pagbubukas ng Ikalwang Konsilyo Batikano mula Oktubre 11hanggang Disyembre 8, 1962.

Matapos ang mahigit 18 taon bilang Administrador, itinalagang maging kauna-unang Obispo ng diyosesis ng Lucena si Obispo Obviar noong Hulyo 15, 1969.

Sumakabilang-buhay ang Obispo sa edad na 89 noong Oktrubre 1, 1978, kapistahan ng kaniyang patrona, Sta. Teresita del Niño Jesus.|#BALIKAS_News

- Advertisement -
- Advertisement -

More articles

- Advertisement -
- Advertisement -

Latest article