By JOENALD MEDINA RAYOS
LIPA City – NAGPOSITIBO na rin sa corona virus disease 2019 (CoVid-19) si Batangas vice governor Jose Antonio S. Leviste II, ang pinakamataas na opisyal ng Lalawigan ng Batangas na kinapitan ng nakamamatay na sakit.
Sa kaniyang video message, sinabi ni Vice Govenor Mark na una aniyang nakaranas ng pananakit ng ulo at pag-ubo noong Marters, Hulyo 28, ang isa niyang kasambahay, samantalang ang isa pa ay nakaranas din ng pagkakaroon ng sipon. Kaya naman na kusa na siyang tumawag sa Provincial Health Office (PHO) upang iulat ang pagkakaroon ng sintomas ng kaniyang dalawang kasambahay.
At dahil sila’y nakatira sa iisang bahay, kaya sinabihan na rin siya ng PHO na isasailalim na rin sa swab test kasama ng mga nasabing kasambahay. Mula noon ay nag-undergo na sila ng strict home quarantine habang hinihintay ang resulta ng nasabing pagsusuri.
At nitong Sabado, Agosto 1, lumabas ang resulta ng mga naturang pagsusuri kung saan ay negatibo ang mga kasambahay at si VG Leviste naman ay nagpositibo. Ngunit nilinaw pa rin ng opisyal na sinabi na rin ng PHO na isasailalim sa re-swabbing ang dalawang kasambahay sapagkat sila ang unang kinakitaan ng mga sintomas.
Kaugnay nito, isinailailalim na rin sa swab test ang tatlong anak ni VG Leviste at hinihintay na lamang ang kanilang mga resulta.
Nilinaw rin ni Leviste na hindi kailan man siya nakaranas ng anumang sintomas ng CoVid-19 at wala rin siyang anumang ibang co-morbidities.
Sa kabila nito, tiniyak ni Leviste na nasa maayos siyang kalalagayan, at naniniwala siyang madali siyang makakarecover sa CoVid-19 at ipinabatid na niya ito kay Gobernador Hermilando I. Mandanas at sa mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.
Mananatili aniya siyang naka-isolate sa kaniyang silid habang nagpapalakas ng kaniyang immune system samantalang nagsisimula na rin aniya ang PHO na alamin ang mga nakasalamuha ng bise gobernador upang maisailalim na rin sila sa swab testing.
Matatandaang noong Abril ay unang opisyal ng pamahalaan na nabiktima ng CoVid-19 si dating Batangas City Councilor Nitoy Pastor samantalang nito namang Hulyo 25, Sabado, isang kagawad ng Sangguniang Bayan ng Malvar ang nagpositibo rin sa sakit na ito.| – BALIKAS News Network