By JOENALD MEDINA RAYOS
NAGING mistulang Victory Party na para sa administrasyon ang mga kaganapan noong Lunes, Oktubre 15, 2018 nang maghain ng kandidatura sina Congressman Marvey Mariño, Mayor Beverly Rose A. Dimacuha at Vice Mayor Emilio Francisco Berberabe Jr. at bumuhos ang suporta ng mga Batangueño.
Ito’y matapos walang nagsipaghain ng kandidatura para tapatan ang tatlong matataas na opisyal na nabanggit ng Lunsod Batangas nang ideklara ng Comelec ng marating na Miyerkules, Oktubre 17, na sarado na ang itinakdang araw ng pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) para sa May 13, 2019 Synchronized National and Local Elections.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na walang kalaban sa eleksyon ang mayor at vice mayor ng Lunsod Batangas at maging ang congressman na nakasasakop rito.
Dahil dito, mistulang sinelyohan na ang pagkapanalo para sa ikalwang termino sa pagka-kinatawan ng Batangas City Lone District sa Mababang Kapulungan ng konggreso ni Congressman Mariño at ikalwang termino naman ni Mayor Beverly Dimacuha bilang ina ng lunsod. Selyado na rin ang ikatlo at huling termino sa pagka-bise alkalde ni Berberade. Ang mag-asawang Marvey at Beverly ay nasa ilalim ng Nacionalista Party samantalang guest candidate naman nila si Berberabe mula sa UNA Party.
Samantala, kasama rin ng Team Mariño-Dimacuha na nagsipaghain ng kandidatura bilang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan sina Board Members Ma. Claudette U. Ambida at Arthur G. Blanco. Makakalaban naman nila para sa dalawang pwesto si dating Board Member Edwin P. Sulit na isang independiyente.
Para sa mga nagsipaghain ng kandidatura sa ilalim ng NP sa Sangguniang Panlunsod, kabilang naman sina incumbent Councilors Aileen Ariola-Montalbo, Alyzza Cruz, Nestor Dimacuha, Oliver Macatangay, Karlos Buted, Gerardo Dela Roca, Julian Villena, at Nelson Chavez, samantalang makakasama rin ang mga bagong tumatakbong sina Aleth Lazarte (maybahay ni Kagawad Armando Lazarte), Ched Atienza, Julianito Pastor at Junjun Gamboa.|#BALIKAS_News
[Kuha ang larawan sa Plaza Mabini nang humarap sa publiko ang Team Marvey-Berverly noong Lunes, Oktubre 15, matapos magsumite ng kanilang Certificate of Candidacy.|City PIO Photo]