By MA. CECIEI C. DE CASTRO
TUMANGGAP na ng kanilang honorarioum ang mga volunteer workers ng pamahalaang panlalawigan para sa Unang Kwarter ng taong 2018 na nagkakahalaga ng PhP 22 Milyon sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Health Office (PHO), Abril 10-17.
Kabilang sa mga tumanggap ay mga barangay health workers (BHW), barangay nutrition scholars (BNS), day care workers (DCW), Pantawid Leaders, Senior Citizen Officers at Persons with Disability (PWD) officers.
Nasa 12,868 ang mga volunteer workers sa buong lalawigan na mga direktang kabalikat at katulong ng Kapitolyo sa mga barangay at bayan upang maipaabot ang lahat ng nakaprograma at nakalaang tulong at serbisyo publiko ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. Dodo Mandanas.
Nagtungo ang mga kawani ng Batangas Capitol upang ipamahagi ang honorarium sa mga volunteers na taga-Nasugbu, Lian, Calatagan, Calaca, Balayan, Tuy, Taal at Lemery noong April 10; Agoncillo, San Nicolas, Sta. Teresita, Alitagtag, Cuenca, San Luis, Lipa City, San Jose at Ibaan noong April 11; Rosario, Padre Garcia, Taysan, Malvar, Mataas na Kahoy, Balete at Batangas City noong April 12; Laurel, Talisay, Tanauan City at Sto. Tomas noong April 13; San Pascual, Mabini, Bauan, Lobo at San Juan noong April 16; at sa island municipality ng Tingloy noong April 17.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagtungo mismo ang mga kinatawan ng pamahalaan panlalawigan sa bayan ng Tingloy para ipamahagi ang honorarium ng mga volunteer workers na tagaroon upang hindi na mabawasan pa ang ayudang kanilang matatanggap bilang kabalikat sa paglilingkod.|#BALIKAS_News