Wala ng babala, multa na agad sa mga lalabag sa health and safety protocols

0
1

WALA ng anumang babala o pagpapaliwanag na kailangang gawin ang monitoring team, sa halip ay kaagad na pagmumultahin ng P5,000.00 ang sinumang mahuhuling walang suot o hindi tama ang pagsusuot ng face mask sa labas ng bahay sa nasasakop ng Batangas City.

Ito ang naging desisyon ng Batangas City Inter-Agency Task Force (IATF) sa naging pulong, Lunes, Marso 15, kaugnay ng mas istriktong pagpapatupad ng health and safety protocols sa lungsod upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 at higit na mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan laban sa mga bagong variant ng coronavirus.

Kaugnay nito, lalo pang ipatutupad ng Etyo Batangueño Disiplinado Monitoring Team (EBDMT) at ang Batangas City PNP ang mahigpitang pagmonitor sa publiko upang matiyak ang mahigpit na pagsunod sa health and safety protocols lalo na sa mga business establishments tulad ng shopping malls, supermarkets, restaurants, eateries at iba pang establisimyento.

Batay na rin sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod at mga panuntunan ng IATF, maaaring ipasara ang mga nabanggit kung mahuhuling may paglabag sa health protocols. Magsasagawa rin ng monitoring sa mga pampublikong sasakyan upang tiyaking nasusunod na 50% capacity lamang nito dapat ang bilang ng pasahero at iba pang protocols tulad ng paglalagay ng plastic barriers, paglalaan ng alcohol at sanitizers at dapat siguruhing ang mga pasahero ay naka face shield bukod pa sa suot na face mask.

Maging sa mga bumibiyaheng tricycle ay magkakaroon na din ng monitoring. Nakatalaga ding mag-tsek ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) kung nasusunod din ang mga health and safety protocols sa mga sasakyang pandagat kasama na ang mga bumibyaheng bangka.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta at pagswi-swimming sa mga public beaches. Tanging ang mga hotel at resort lamang na accredited ng Department of Tourism (DOT), may business permit at permit to operate ang pwedeng magbukas at tumanggap ng bookings.

Hindi pa din pinapayagan ang paglabas ng bahay ng mga menor de edad na 14 na taong gulang pababa at senior citizens na 66 taong gulang pataas alinsunod sa IATF guidelines. Ipinag-utos ni Mayor Beverley Dimacuha kina DILG City Director Ester Dator at ABC President Dondon Dimacuha na hingin ang kooperasyon ng mga barangay official upang masiguro ang striktong pagpapatupad ng mga health protocols sa kani-kanilang barangay.

Hanggang kaninang alas-5:00 ng hapon, umabot na sa 2,582 ang naitatalang kaso ng CoVid-19 sa Batangas City. Mayroong 43 aktibong kaso, 2,462 ang gumaling na kabilang ang limang (5) nakarekober ngayong araw; samantalang umabot na sa 77 ang binawian ng buhay dahil sa virus. Mayroon pang 42 suspected cases na binabantayan.| – Balikas News Team / May ulat ng PIO Batangas City