LIPA City — PUMALAG si Mataasnakahoy Vice Mayor at gubernatorial candidate Jay Manalo Ilagan sa Show Cause Order na inisyu sa kaniya ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng naging pahayag niya ukol sa kaniyang kandidatura at kalabang si dating Lipa City Congresswoman Vilma Santos Recto.
Matatandaang nag-isyu ang Comelec ng show cause order noong Lunes, Abril 7, 2025 [na kailangan niyang sagutin sa loob ng tatlong araw] matapos kumalat sa social media ang isang video clip kung saan ay makikitang nagsasalita si Ilagan ng ganito:
“Kung ang aking kalaban ay si Kathryn Bernardo pero ang aking kalaban ay isang Vilma Santos laang na laos na. Hindi ako takot. Kung sa Kathryn Bernardo at Andrea Brillantes ay takot ako. Pero Vilma Santos, marami naman na mga fans niya ang namamahinga na rin (at) ang iba naman ay syempre nasa edad yan. At saka lagi ang sasabihin ko sa inyo ay iba ang governor na nahihipo…”
Kinabukasan din, dagling sumagot si Ilagan at sinabing wala umanong naging gender-based discrimination, pangha-harrass man, o panghahamak kundi payak na pagpapahayag lamang ng kalooban.
Nilinaw ni Ilagan na ang nasabing ilang minutong video clip ay bahagi lamang ng isang mahabang interbyu sa kaniya noong Marso 25, 2025, kung kailan hindi pa nagsisimula ang campaign period para sa mga kandidato sa mga lokal na posisyon.
Sa kasong Penera vs. Com-mission on Elections, [G.R. No. 181613], binigyang-diin ng Korte Suprema na ang isang tumatak- bo sa anumang posisyon ay maituturing lamang na kandi-dato kapag nagsimula na ang campaign period, hindi sa araw na naghain ng kandidatura kung saan ay inihahayag ng isang indibidwal ang kaniyang hangaring tumakbo sa isang posisyon; kung kaya’t ang mga regulasyon, alituntunin at mga prohibisyon ukol sa pangangampanya ay nagkakabisa rin lamang sa araw na magsimula ang panahon ng pangangampanya. Dahil dito ay hindi aniya maituturing na unfair campaigning ang pahayag ni Ilagan noong Marso 25, tatlong araw bago magsimula ang campaign period noong Marso 28.
Sinabi rin ni Ilagan na hindi maituturing na may gender-based distrimination o harass-ment sa kaniyang pahayag sapagkat wala o hindi naman ito isang unwanted sexual remarks, o may pagbabantang sikolohikal, o naglalaman ng bastos na biro, o nakahahadlang man sa karapatan, benepisyo o oportuni- dad ng isang indibidwal batay sa kaniyang kassarian o edad.
Binigyang-diin din ni Ilagan sa kaniyang sagot sa Comelec, na isang malayang pagpapa-hayag lamang ng kalooban ang kaniyang pahayag bilang sagot sa isang kaswal na usapan, at walang malisya o intensyong manghamak ng sinuman.
Aniya pa, hindi pinapayagan ng Konstitusyon na parusahan ang anumang simple at di mapanghamak na pahayag, puna o komentaryo sa mga artista, kilalang indibidwal at mga pulitiko.
Malinaw rin aniya na maging si Gng. Vilma Santos na isang artista ay hindi naghain ng personal na reklamo hinggil dito.| – Joenald Medina Rayos