By JOENALD MEDINA RAYOS
(Updated) TAAL, Batangas – IDINEKLARA nang #WalangPasok sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng bayan sa Lalawigan ng Batangas mula sa Huwebes, Marso 12 hanggang Sabado, Marso 14.
Ito’y bilang pagpapahalaga sa larangan ng kalusugan at upang tiyakin na maging ligtas ang lahat ng mga pasilidad pampaaralan at maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit, ang Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Isinapubliko ni League of Municipalities of the Philippines (LMP)-Batangas Chapter president at San Jose mayor Ben Patron sa buwanang pulong ng Liga na ginanap sa bayan ng Taal, Martes ng hapon, Marso 10, habang isinasagawa naman sa kapitolyo ang joint meeting ng Provincial Development Council (PDC), Provincial Peace and Order Council (PPOC) at Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC).
Ayon kay Mayor Patron, ang deklarasyon ay pinagkaisahan ng lahat ng mga punumbayan upang mapag-isa ang aksyon ng mga munisipyo sa pagsugpo sa COVID-19 bagaman at wala pang naitatalang kaso ng pagpositibo sa sakit na ito sa lalawigan ng Batangas.
Dagdag pa ng opisyal, sa mga petsang nabanggit, magsasagawa ng mga paglilinis at pagbobomba ng mga disinfectant solutions sa mga pampublikong gusali at sa mga paaralan. Samantala ay binibigyang tagubilin naman ang mga pribadong paaralan na magsagawa ng katulad na kaukulang paglilinis at dininfection sa kanilang mga pasilidad.
Hanggang sa oras na sinusulat ang balita, wala pang anunsyo mula sa apat na lungsod sa lalawigan ukol sa suspensyon ng klase. Ang apat na lungsod ng Batangas, Lipa, Tanauan at Sto. Tomas ay hindi saklaw ng LMP kaya hindi rin saklaw ng deklarasyon ang klase sa mga naturang lungsod.|- BALIKAS News Network