By ROMNICK V. ARELLANO
ABU Dhabi, UAE — SA patuloy na pinagdadaanang pagsubok ng ating mundo bunsod ng sakit na Covid-19, may mga taong mas piniling isakripisyo at ipagsapalaran ang kanilang buhay at kalusugan upang makatulong sa ikakaligtas ng buhay ng ibang tao dito sa loob at labas ng bansa. Sila ang mga bayaning fronliners.
Isa sa mga bayaning fronliners ay ang ating kababayan na si Raymond Celis Datingaling, isang rehistradong nurse at ngayon ay isang volunteer sa Abu Dhabi, UAE.
Dati’y nasa training center sila at patuloy na nagsasagawa ng medical education sa mga nurse, doctor, physiotherapist at ibang kasamahang health care professionals subalit natigil ang kanilang training at naapektuhan ang pang-araw-araw na gawain dahil sa Covid-19.
“You need to go and help those people,” ang magandang binitawang salita ni Kabayang Raymond.
Ang pagiging tapat sa tungkulin ang nagtulak kay Raymond na mag-volunteer at pumasok sa Covid Response Team. Para sa kanya, ang pagiging nurse ay sinumpaang tungkulin, kaya kung habang buhay kang nurse ay habangbuhay mong paglilingkuran ang komunidad na nangangailangan.
Palagi siya humihingi ng guidance ni God na gabayan siya sa lahat ng kanyang gagawin. Isa na sa pinakamahirap sa pagiging nurse ay ang makasalumuha mo sa loob ng ospital ang mga postibong pasyente sa Covid-19.
“Ang nangungunang proteksyon natin ay ang kaloob ng Diyos at ang Kanyang divine interventions ay pinoprotektahan tayo every time na kakaharapin natin ang mga pasyente, at pangalawa sa proteksyon ay ang PPE, dagdag pa ni Raymond.
Wala naman si Raymond pinagsisihan noong siya ay mag-volunteer sa Covid-19 Response Team sa UAE. Ayon pa sa kanya, “very self-fulfilling po ang pakiramdam especially yung may naha-handle ka ng mga Pilipino na ikaw mismo ay natutulungan mo sila.”
Kung may aral na natutunan si Raymond at pwedeng ibahagi sa lahat sa pangyayaring ito, “pinaramdam sa atin ng Diyos na nandiyan Siya at poprotektahan niya tayo provided na naniniwala tayo sa Kanya, tinatawag natin Siya at nagiging grateful tayo sa mga ibinibigay Niya sa atin.”
Bilang panghuli, may mensahe din si Raymond para sa lahat, “Hindi mahalaga ang materyales na bagay, ang pinakamahalaga sa ngayon ay nasa puso at isip mo ang Panginoon sa araw-araw.”|-BNN