BATANGAS City — KARAGDAGANG 100 violators sa lungsod na ito ang hinuli ng otoridad nitong Miyerkules, May 6, sa pinaigting na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
Bilang parusa, ang mga hinuli ay pinatayo rin sa ilalim ng araw sa harap ng police station at sa Plaza Mabini habang nagle-lecture ang pulis sa mga batas ukol sa ECQ.
Ang mga nahuling ito na nasa labas ng kanilang bahay ay mula sa tramo ng barangay Alangilan at Balagtas, Balete Relocation Site at Sitio Puyo ng barangay Sta Clara.
Nagsasagawa ang City PNP ng profiling ng mga lumabag sa unang pagkakataon. Sa second offense ay kakasuhan na sila ng paglabag sa RA 11332 o Disobedience and Resistance to Persons in Authority.
Ayon kay PLTCol. Julius Anonuevo, hepe ng pulisya sa lungsod, mananatili sa Plaza Mabini ang mga nahuli at bukas na pauuwiin upang madisiplina ang mga ito.| – Ulat at larawan mula sa PIO Batangas City]