ISANG sugatang balyena ang napadpad sa mababaw na bahagi ng Hook Bay, Barangay Bato, bayan ng Panukulan, Quezon, bandang alas-siyete ng umaga, Marso 10.
Pahayag ni Municipal Agriculture Office (MAO) chief Delfin Del Rio, ang nasabing na-stranded na balyena ay isang sperm whale (Physeter catodon) at ito ang pinakamalaking species ng sperm whale o balyena.
Ang ganitong uri ng balyena ay pelagic mammals na lumilibot at makikita sa buong mundo kung saan nagpapalipat-lipat ng breeding at feeding areas ayon sa kalagayan ng panahon. Ang babae at mga batang sperm whales ay magkakasamang naglalakabay sa karagatan, samantalang ang mature males naman ay solitary o nag-iisang namumuhay kung hindi pa mating season. Kaya may posibilidad na lalaki ang kasarian ng na-stranded na sperm whale.
Nabanggit din ni MAO Del Rio na nakipag-ugnayan kaagad sila sa UPIESM o Marine Mammal Research and Conservation Laboratory upang humingi ng expert advice sa nangyaring stranding at ayon sa kanila ay malimit batay sa kanilang karanasan ay maliit ang tyansa na mabuhay ang nasabing sperm whale na may may apat na sugat na parang sinibat o pinana at may malaking galos sa bahagi ng panga papunta sa tiyan.
Ganoon pa man ay binantayan pa rin nila ang balyena na noong una ay mukhang lumalakas naman, dagdag na pahayag pa ni MAO Del Rio.
Sa panayam naman kay Punumbarangay Alvin Prudente ng Brgy. Bato, Panukulan na siyang punong abala sa pagbabantay sa nasabing sperm whale, ipinagbawal nila ang sobrang paglapit ng mga nag-uusyosong mga tao upang hindi ito ma-stress o matakot kung ang layunin lang naman ay mag video at mag pictures para sa vlog at social media posting batay na rin instruction ng opisina ni Punumbayan Alfred Rigor S. Mitra.
Ang nasabing stranding ng balyena ay ipinaalam sa Kasama ng Kalikasan (KnK) at Balikas News ni BFAR-Quezon Provincial Director Allan Castillo at ilang mga konsernadong mamamayan. Ayon kay Provincial Director Castillo ang nasabing sperm whale ay may habang humigit kumulang sa 50 talampakan.
Vulnerable na aniya ang conservation status nito at kailangan ng rin maprotektahan at mapangalagaan.
Samantala ayon naman kay CG ENS Neptali L. Rafuli Jr. ng Philippine Coast Guard, nagpadala rin sila ng team upang makatulong sa pag-rescue sa nasabing sperm whale. Mahalagang matulungan ang lokal na pamahalaan ng Panukulan upang mas masiguro na maiisalba pa ang balyena, pagdidiin pa ni CG Chief Rofuli ng PCG Northern Quezon.
Ngunit kalaunan ay namatay rin ang balyena, kaya hinila itong palayo sa Hook Bay upang maiwasan ang sobrang mabahong amoy na idudulot nito kapag nagsimula ng madecompose.
Kinabitan ito ng mga drum na nagsilbing boya saka hinila ng mga responders.| – Jay Lim