MABINI, Batangas — MAS maraming trabaho para sa mga Batangueno at pag-unlad ng mga negosyo at ng bayan ang tiyak na magiging benepisyo ng operasyon ng Port of Mabini sa Brgy. San Juan sa bayang ito na ngayon ay nasa pamamahala ng Mabini Batangas Premier Terminal Inc.
Ito ang tiniyak ni former Taysan Mayor Dondon Portugal, presidente rin ng Hevicon Construction and Equipment Rentals, sa inagurasyon ng terminal kaalinsabay ng pagdiriwang ng 20th Anniversary ng Maptan Group of Companies.
Ang Port of Mabini ay isang commercial port na handang mag-cater sa anumang local and international shipping services.
Gamit ang makabagong teknolohiya at ang bagong barge na LCT Hevicon, tinitiyak ni Portugal na ang operasyon ng daungan ay magiging kapaki-pakinabang hindi lamang sa kumpanya kundi sa sambayanang Batangueno.
Maraming trabaho ang lilikhain ng operasyon ng daungan at ito’y mangangahuluhan ng progreso para sa bayan. Prayoridad, ani Portugal, ang mga taga-Mabini sa pag-eempleyo ngunit kung hindi sapat ang local manpower, mangangailangan at tatanggap din ng mga trabahador mula sa ibang bayan sa lalawigan.
Sinabi rin ni Portugal na nakipag-partner ang Maptan Group of Companies sa iba pang business groups gaya ng isang Chinese group na magtatayo ng tiles factory sa bayan ng San Pascual. Kapag nagsimula aniya ito, tiyak na mas mangangailangan pa ng mas maraming trabahador kaya mismong ang Maptan Group ang bubukas ng isang manning agency para rito.
Samantala, dumalo rin at nagpakita ng suporta si Congresswoman Lianda Bolilia ng 4th District of Batangas. Ito ang kauna-unahang public appearance ng dalawang lider matapos ang kanilang paghaharap o tapatan noong 2022 elections, na lubos namang ikinatuwa ng kanilang mga taga- suporta. Naniniwala silang toto ang kasabihang ‘Unity commands Progress’. | — Joenald Medina Rayos