By JOENALD MEDINA RAYOS

BAUAN, Batangas – “LAHAT ng negosyo, malaki o man maliit ay sakop ng SSS Law kaya walang sisinuhin ang ahensya para matiyak ang maximum coverage nito para sa manggagawa ng pribadong sektor.”

Ito ang mensaheng inihatid ng mga opisyal ng Social Security System (SSS) sa isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) Operation sa bayang ito na pinangunahan mismo ni SSS president and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio, Hulyo 9.

Sa nasabing operasyon, 11 establisimyento ang iniyuhan ng show cause order (SCO) ng ahensya bunsod ng hindi pagrerehistro ng kanilang negosyo sa SSS at pagbabayad ng kaukulang kontribusyon ng kanilang mga kawani, simula ng magsimula ng operasyon ang mga naturang negosyo.

Karamihan sa mga may-ari ng mga nasabing negosyo ay wala sa kanilang bahay-kalakalan nang isagawa ang operasyon, dahilan upang sa kanilang mga katiwala lamang ipabatid ang pagpapaskil ng mga karatula ng paglabag sa SSS Law.

Kabilang sa mga negosyong ito ay ang Andrea’s Balut Corner, Auto Sonix Watch Store, Brand Scope Fashion House, Inc., E-Life Hypermart, Kyongmin Silver Corp., Prestige Food Enterprises / Kerrimo, Potato Giant Bauan, St. Anastacia Clinical Laboratory, 1168 General Merchandise, 4J’s R –pawang mga nasa bayan ng Bauan, at ang M-4 Construction and Maintenance Service.

Alinsunod sa polisiya ng SSS, binibigyabn ng 15 araw ang mga may-ari ng mga nasabing negosyo na makipag-ugnayan sa SSS-Batangas City Branch at mag-ulat ng kanilang pagtalima sa SSS Law.

Batay sa datos ng SSS, ipinala-lagay na nasa 30% hanggang 40% lamang ng kabuuang bilang ng negosyo sa bayan ng Bauan ang reghistrado sa SSS at naghuhulog ng kaukulang kontribusyon para sa kanilang mga kawani.

Kamakailan lamang, inaresto ng lokal na pulisya sa Lungsod ng Batangas dahil sa paglabag sa Social Security Act ang isang babaeng negosyante na nakilalang si Jeaneth Robledo Morales, 49 taong gulang, tambay, at residente ng Brgy Cuta, sa nasabing lungsod.

Nabatid na si Morales ang may-ari ng Quickhealth Diagnostic and Drug Test Laboratory sa P. Burgos St., Batangas City.

Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Team ng Batangas at Warrant Section ng Batangas City Police Station, nauna nang nadiskubre ng Social Security System (SSS) – Batangas Branch na nag-ooperate ng negosyo ang suspek ngunit hindi ito sumunod sa iniuutos ng SSS Law na irehistro ang negosyo at magbayat ng kau-kulang kontribusyon ng kaniyang mga tauhan.

Dahil dito, inaresto ng mga otoridad ang suspek sa bisa ng Warrats of Arrest na inisyu ni Judge Maria Cecilia I. Austria-Chua, Presi-ding Judge ng Regional Trial Court – Branch 2 noong Hunyo 6, 2019.|

Facebook Comments