By LIZA P. DE LOS REYES
BATANGAS City — IPINAMAHAGI na ng pamahalaang lungsod ng Batangas sa mga kwalipikadong tricycle drivers ang natitirang 19 na yunit ng e-trikes sa kabuuang 50 units na tinanggap ng lungsod mula sa sa Department of Energy (DOE) bilang livelihood partnership project.
Ang pangatlong batch ng mga recipients na ito ay naging kwalipikado lamang matapos makatupad sa mga hinihinging requirements ng DOE batay sa isinagawang pagsusuri ng Traffic Development and Regulatory Office (TDRO).
Sila ay lumagda rin sa Memorandum of Agreement sa pamahalaang lungsod para sa proyketong ito.
Pawang mga miyembro ng Tricycle Operators Drivers Association (TODA), ang magiging biyahe ng mga nasabing recipients ay ang rutang Soro-soro/ Mercedes Homes Subdivision – Balagtas at vice versa.
Sa isinagawang orientation para sa lahat ng mga recipients, itinuro sa kanila ng technician ng supplier na B-Mac Electric Transportation Philippines, Inc. ang mga special features ng e-trike, kung paano ito i-operate, alagaan at i-handle kung kailangan ng trouble shooting sa units. Pagkatapos ng orientation ay ang actual demonstration kung paano ito paadarin at gamitin.
Sa nasabing orientation, ang pamahalaang lungsod ng Batangas muna ang mangangasiwa ng eโtrikes kung saan may mga sinanay na mga kawani na siyang magsisilbing technicians na tutulong sa repair sakaling magkaroon ng aberya ang mga yunit.
Sa ngayon, ang mga charging stations ay nasa warehouse ng city government sa Quezon Memorial Stadium sa gilid ng Batangas City Convention Center ngunit nakatakdang maglagay rin nito sa ilang estratihikong lugar sa lungsod.|- BALIKAS News Network